ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Obispo: Pagpatay sa mga mamamahayag, naging kultura na sa bansa


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nalulungkot ang isang lider ng Simbahang Katoliko dahil nagiging "kultura" na umano ang pagpatay ng mga mamamahayag sa bansa. Sa ulat ni Cecille Villarosa sa dzBB, sinabi ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Public Affairs chairman at Caloocan Diocese Bishop Deogracias Yñiguez na nakalulungkot man, pero maituturing nang "kultura" [nakasanayan na] ang "media killing" sa Pilipinas. Dahil dito, sinabi ni Yñiguez na pangunahing dapat tutukan ng Simbahang Katoliko ay ang paghahayag ng katotohanan sa pamamagitan ng panuro na ang buhay ay dapat pangalagaan, lalo na ang dignidad ng mga nilikha ng Diyos. Ginawa ng Obispo kanyang pahayag matapos ang panibagong kaso ng pagpatay sa isang radio blocktimer sa Maguindanao na pang-anim na kaso ng "media killing" sa taong ito sa bansa. Ang 52-anyos na si Eddie Apostol, radio talk show host ng himpilang dxND ay natagpuang patay sa Liguasan Marsh malapit sa Sultan sa Barongis sa Maguindanao noong Septiyembre 1, limang araw matapos siyang unang naiulat na nawawala. Ayon sa mga naunang mga balita, nakatali ng lubid ang mga kamay at mga paa ni Apostol at may tama ito ng dalawang bala sa noo ng matagpuan ang kanyang bangkay. Samantala, umaasa naman si Cotabato Bishop Jose Collin Bagaforo na bibigyan ng pamahalaan ng ibayong proteksiyon ang mga mamahayag sa Pilipinas. — LBG, GMA News