GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

PNoy: Inutusan ko si Puno na bantayan ang opisina, mga dokumento ni Robredo

September 9, 2012 12:27pm

Inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III noong Sabado ng gabi na inatasan niya si Department of Interior and Local Government Undersecretary Rico E. Puno na bantayan ang opisina ni DILG Secretary Jesse Robredo, na pinaghahanap pa ng mga panahong bumagsak ang eroplanong kanyang sinasakyan.

Ayon sa mga naunang ulat, may mga itinatago umanong dokumento si Robredo sa procurement ng mga baril na maaaring madawit ang pangalan ni Puno.

Noong Agosto 18, bumagsak sa Masbate ang Piper Seneca plane na patungo sanang Naga City mula sa Cebu habang sakay si Robredo at tatlong iba pa.

“Missing ng hapon, late afternoon si Sec. Robredo,” ani Aquino, na kasalakuyang nasa Russia para sa Asia-Pacific Economic Cooperation summit.

“Some time in that early evening, tumawag sa akin si Sec. Leila de Lima at pinaalalang may mga confidential folders si Robredo that needed to be secured," he added.
 
“In fairness to Usec. Puno, there are only two Usecs sa DILG. One handles local government; and the other handles police, fire, jail, so they all report in the same office. I had instructed him [Puno] to seal the office of Sec Robredo, to ensure that all of his records will be kept intact. That was the extent of the instructions that I gave to him,” paliwanag ng Pangulo.

Dagdag ni Aquino, hindi umano si Puno ngunit ang proseso sa procurement ng 9mm-kalibre  na baril ang isinasailalim sa imbestigasyon. Ayon sa kanya, "a person is innocent unless proven guilty."

Isang araw matapos ang pagbagsak ng eroplano – habang pinaghahanap pa si Robredo – sinubukan ni Puno, kasama ang ilang pulis, na makapasok sa condominium unit ng Kalihim sa Tomas Morato Avenue sa Quezon City.

Ayon sa isa sa mga pulis na nakasama, P/Sr. Superintendent Oliver Tanseco, nakatanggap ng utos si Puno mula kay Aquino na "i-lockdown" ang tirahan at mga opisina ni Robredo.

Sa kabila nito, tinanggihan ng mga tauhan ng gusali na papasukin si Puno at ang mga pulis sa loob. Hindi na nagpumilit si Puno at ang kanyang mga kasamahan na pumasok.

Nang tanungin naman kung bakit nagtungo si Puno sa condo ni Robredo, ipinaliwanag ni Aquino na: “Well, he probably thought there were also some documents there that needed to be secured.”

Nabigo mang makapasok si Puno sa condo, naging matagumpay naman siya sa National Police Commission na opisina ni Robredo.

Ayon kay Napolcom security officer Mario Mena, nagtungong Napalcom si Puno at ang mga pulis upang sigurihin ang opisina at files ni Robredo.

Dagdag ni Mena, matapos nito, bumalik si Puno sa opisina ng Napolcom, na kasama naman si Justice Secretary Leila de Lima.

Iimbestigahan

Ayon sa mga naunang ulat, kasaman umano si Puno at ang ilang high-ranking police officials sa imbestigasyong isinasagawa ni Robredo. Karamihan umano sa mga sensitibong dokumento kaugnay sa imbestigasyon ay nakatago sa tirahan ni Robredo sa Quezon City.

Kinumpirma ng tatlong sources na mayroong isinasagawang imbestigasyon laban kay Puno. Kabilang sa mga kumumpirma ay isang miyembro ng Gabinete, na tumangging pangalanan.

Samantala, sa isang media briefing, inihayag ng asawa ni yumaong DILG Secretary na si Atty. Leni Robredo na hiniling niya kay Pangulong Aquino na bantayan ang kanilang mga tirahan sa Metro Manila sapagkat alam niyang mayroong mga sensitibong dokumento, na maaaring nakatago sa condo unit.

Inihayag naman ni Communications Strategy Secretary Ricky Carandang na nagsasagawa si Robredo ng “very sensitive investigations” ngunit tumanggi siyang ihayag ang layunin nito at ang mga sangkot na personalidad.

Ayon naman kay Justice Secretary Leila de Lima, hindi umano ito sa ilalim ng kanyang "jurisdiction" kaya hindi niya masasabi ang nilalaman ng "sensitive" na dokumentong naiwan ng yumaong Kalihim, o ang umano'y pagtangka ng undersecretary na kunin ang mga dokumento. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News
Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus