Eddie Gutierrez, suportado ang planong pagtakbo ni Annabelle Rama sa Kongreso
Sinusuportahan ng aktor na si Eddie Gutierrez ang planong pagtakbo ng kanyang awasang si Annabelle Rama bilang kongresista sa north district ng Cebu. Sa ulat ni Abby Mendoza ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), ikinuwento ni Eddie na naging mainit ang pagtanggap sa kanyang asawa nang bisitahin nila ang distrito. Ayon pa sa aktor, "Itong mga nakaraang araw, I was with her, and I see that the masa of Cebu, they kind of like her. They reciprocate Annabelle’s being a Cebuana. They like her, parang ganun. Nag-e-enjoy sila sa kanya.” Gayunpaman, payag na raw ang aktor sa planong pagtakbo at pakiramdam pa niya ay may pag-asang manalo ang kanyang asawa sa gustong posisyon sa kongreso. Aniya, “Ok na sa akin. I think she has a chance.” Maliban dito, naniniwala ang aktor na maraming magagandang kakayahan ang kanyang asawa upang maging isang magaling at mabuting politiko. "Si Annabelle is a frank person and she is a strong person. I know that if she wins, she will do something for the poor people of her district,” saad ni Eddie. Dagdag pa nito, “Sabi nila, matapang [siya], palaaway...marami. Pero, nowadays, I don’t see any setback. Especially now, parang ganado siya, e.” Sa parehong balita, ikinuwento rin ni Eddie na madalas siyang lumipad patungong Cebu upang samahan ang kanyang asawa. Sa mga naunang balita, madalas na ibinabalita ni Annabelle sa kanyang opisyal na Twitter account ang kanyang madalas na pagbisita sa Cebu. "Miss u all! Super busy ako. Stayed in Cebu most of the time. I'm sooo happy sa mga kababayan ko sa Cebu," pahayag ni Annabelle. Maliban dito, ikinuwento rin nito ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga tao ng nasabing lungsod. — Mac Macapendeg/BM, GMA News