Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Gardo Versoza masaya sa pagbibigay ng payo sa mga bagong artista

September 10, 2012 11:00am
Gardo Versoza happy to give advice to newcomers: “…dun mo makikita na interesado sila at hindi lang ang pumorma o ang magyabang ang purpose ng pag-aartista nila.”
 
Pagkatapos lumabas sa dalawang magkasunod na dramatic roles sa telebisyon, muling nagbabalik si Gardo Versoza sa pagiging kontrabida sa bagong telefantasya ng GMA-7 na Aso Ni San Roque.
 
Sa naturang telefantasya ay gagampanan ni Gardo ang role na Kanlaon, ang namumuno sa mga aswang ng hangin at isa sa nais pumatay kay Fatima, played by Mona Louise Rey, para hindi matupad ang sinasabing propesiya na magtatapos sa mga masasamang elemento sa mundo.
 
 
ENJOYS PLAYING BADDIE. Sa press launch ng nabanggit na telefantasya last September 3 sa Studio 7 ng GMA Annex Building, naikuwento ni Gardo na na-miss niya ang gumanap na kontrabida.
 
Kaya noong ibigay sa kanya ang role bilang si Kanlaon ay mabilis niya itong tinanggap.
 
Huling napanood si Gardo sa afternoon drama series na Hiram Na Puso at bago iyon ay sa Ikaw Lang Ang Mamahalin.
 
“Nagpaka-dramatic actor muna tayo kasi,” nakangiting sabi ni Gardo.
 
“Ok naman, kasi para lang maiba. Hindi yung pare-pareho ang ginagawa ko.
 
“Binigyan ako ng mga projects na mate-test naman ang dramatic skills ko.
 
“Magkasunod na shows yun na hindi ako nag-prosthetics, walang costume at umiiyak ako sa eksena.
 
“Pero ngayon sa Aso Ni San Roque, balik tayo sa pagiging kontrabida.
 
“This time ako na ulit ang magpapaiyak!”
 
Huling gumanap na kontrabida si Gardo bilang si Rajah Mangubat sa epicserye na Amaya noong nakaraang taon.
 
Gayundin sa ilan pang series na tulad ng Luna Mystika, Kamandag, Kung Mahawi Man Ang Ulap, Asian Treasures, Atlantika, at Sugo.
 
“Enjoy talaga ako kapag villain ako. Napaglalaruan ko kasi ang role, e.
 
“Kapag mabait ang role mo, kailangan may certain character ka lang na ginagawa. One dimensional lang.
 
“Unlike kapag kontrabida ka, may variations.
 
“Marami kang magagawa para mas maging interesting ang mga eksena mo.
 
“Ayoko ring maging predictable ang ipapakita kong pag-arte na kontrabida.
 
“Dito kasi sa Aso Ni San Roque, apat kaming kontrabida, kaya may kanya-kanya kaming style. Hindi puwedeng magkakapareho kami.
 
“Nandoon ang matinding challenge at kahit papa’no, since pare-pareho kayong mga kontrabida, gusto mo rin mag-standout sa iba, di ba?” sabi pa ni Gardo.
 
 
PREPARING PHYSICALLY. Dahil sa role na leader ng mga aswang na si Kanlaon ay pinaghandaan ito ni Gardo nang husto.
 
“After ng Amaya, two shows ang ginawa ko na hindi ko kailangang maglagay ng kung anong makeup or prosthetics sa katawan ko. Ngayon lang mauulit.
 
“Kailangan malagyan ng dark makeup ang mukha at katawan ko.
 
“Kailangan talaga magmukha akong dark and creepy.
 
“Physically, talagang pinaghandaan ko.
 
“Since marami akong scenes na kukunan na topless ako, kailangan fit na fit ako.
 
“Lalo na sa chest and shoulder area, kasi ito ang mga makikita kapag kinunan na kami sa chroma wall for the special effects.
 
“Kaya diet-to-the-max tayo, bago ako nagsimula mag-taping. Inalis ko muna ang rice at karne sa kinakain ko.
 
“Regular ang workout ko at panay ang biking ko.
 
“Nagpapawis talaga ako nang husto para ma-achieve ko ang katawan na tama sa role ko.
 
“Mahirap, pero kailangan nating gawin at tiisin. Hindi lang para sa trabaho natin, but for a healthy lifestyle na rin.”
 
 
THANKFUL FOR OPPORTUNITY. Nagpapasalamat si Gardo na tuluy-tuloy ang trabaho niya sa showbiz kahit na marami nang mga baguhan ngayon.
 
Nabibigyan pa rin daw ang mga katulad niyang matagal nang artista ng importansiya.
 
At hindi basta-basta ang roles na ibinibigay sa kanila.
 
“Nakakatuwa kasi nga kahit marami nang mga bata ngayon, may silbi pa rin kaming mga mas matatanda sa kanila,” natatawang sabi niya.
 
“Tulad ko nga, at pati mga naging kasabayan ko noon na sina Rita [Avila], Jestoni [Alarcon], at iba pa, very thankful kami na we are still given the opportunity to work and be a part of these big-budgeted shows.
 
“Kaya naman we also do our best to look good and be prepared sa mga eksena namin.
 
“Kailangang nakikipagsabayan pa rin tayo sa mga baguhan,” patuloy ni Gardo.
 
 
ADVISING NEWCOMERS. Natutuwa rin si Gardo sa mga baguhan, dahil may iba sa kanila na humihingi ng advice sa kanya lalo na pagdating sa pag-arte.
 
“Marami akong nakatrabaho nang mga bata, mga teenagers.
 
“Lahat naman sila, humihingi ng advice sa aming mga mas nauna sa kanila sa business na ito.
 
“Maganda naman iyon, kasi dun mo makikita na interesado sila at hindi lang ang pumorma o ang magyabang ang purpose ng pag-aartista nila.
 
“May gusto talaga silang matutunan at maabot sa industriyang ito.
 
“Ang usual naman na payo ko ay maging seryoso sila at mahalin nila ang kanilang trabaho.
 
“Kapag minahal nila ang trabaho nila, mamahalin din sila pabalik.” - Pep.ph
Go to comments