GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy
»
Martial Law

Pagtuturo ng Martial Law years sa mga paaralan suportado ng CHR

September 10, 2012 7:56pm
Suportado ng Commission on Human Rights (CHR) ang isang panukala sa Kamara na gawing mandatory ang pagtuturo ng mga nangyari noong panahon ng Martial Law sa lahat ng mga paaralan sa bansa.

Ayon kay CHR chairperson Loretta Ann Rosales, malaki ang maitutulong ng pagtuturo ng mga kaganapan noong Martial Law sa mga estudyante sa pagtataguyod at pangangalaga ng karapatang pantao sa bansa.

“No less than an institutional teaching of its history is needed to remind the people of the need to safeguard their rights against systemic abuses and to fend off attempts to curtail their rights in the future,” ani Rosales, na isang human rights violation victim noong Martial Law.

Dagdag pa niya, mahalagang malaman ng lahat lalo na ng mga estudyante ang mga nangyari noong panahon ng Martial Law sa ilalim ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos.

“It is also a matter of historical record that during Martial Law, our fundamental democratic rights and freedoms were curtailed and violated and our democratic institutions assaulted and trampled upon. We continue to suffer the consequences today,” ani Rosales.

Noong Hulyo, inihain nina Akbayan party-list Reps. Walden Bello at Arlene Bag-ao ang House Resolution 2608 na humihiling sa gobyerno na idagdag ang anila’y "atrocities" ng Martial Law sa curriculum ng mga paaralan sa bansa.

Isinailalim ni Marcos ang bansa sa Martial Law noong Setyembre 21, 1972. Bagama’t binawi niya ito noong 1981, nagpatuloy pa rin ang umano’y mga pang-aabuso ng kanyang rehimen hanggang sa matanggal siya sa puwesto sa tulong ng 1986 EDSA Revolution.

'Pro-democracy'

Sa hiwalay na press briefing, nagpahayag din ng pagsuporta sa panukala si Commissioner Gio Tingson ng National Youth Commission (NYC).

“We support the proposal as it is geared towards the building of a strong human rights and pro-democracy constituency among our young people. It will guide them on the road to democratic leadership and governance,” ani Tingson.

Dagdag niya, makatutulong ito upang mas lalong mapahalagahan ng kabataan ang demokrasya, na 40 taon nang umiiral sa bansa.

Ayon kay Bello, makatutulong ang House resolution upang mailayo ang bansa mula sa posibleng pagbabalik ng diktatura sa bansa. “We must constantly remind our people of our greatest tragedy so we can achieve our greatest victories,” aniya. Amanda Fernandez/KBK, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement
advertisement
advertisement