GMA News Online
Ulat Filipino
»
Davao

Pagsapi umano ng masasamang espiritu sa mga estudyante sa Davao City, iimbestigahan na

September 11, 2012 5:44pm

Tags: Davao City
Nagsasagawa na umano ng imbestigasyon ang Simbahang Katoliko tungkol sa naganap na pagsapi ng mga hinihinalang masasamang espiritu sa 18 mag-aaral sa high school sa Davao City.

Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing patuloy ang imbestigasyon ng Diocese ng Davao City sa nangyaring insidente sa mga mag-aaral sa Crossing Bayabas National High School.

Nitong Lunes, biglang nagwala at tila nagkaroon ng matinding lakas ang mga mag-aaral na hinihinalang sinapian ng masamang espiritu. Ilan din sa kanila ang nawalan ng malay.

Bagaman posible umanong mangyari ang pagsapi ng masasamang espiritu sa mga tao, hindi pa maidedeklarang possession ang nangyari sa mga mag-aaral hanggat hindi pa tapos ang imbestigasyon, ayon sa ulat.

Hinikayat naman ng Simbahan ang mga tao na patuloy na magdasal sa Diyos.

Dahil hindi umano ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong insidente, inihayag ng pamunuan ng paaralan na dadalasan ang pagsasagawa ng panalangin at rosaryo sa eskuwelahan.

Naniniwala naman ang isang duktor na mayroon medikal na paliwanag sa nangyari sa mga mag-aaral na kailangan ding tuklasin.

Hindi pa rin nakapasok nitong Martes ang mga mag-aaral na sinasabing sinapian. – FRJ, GMA News

Tags: Davao City



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus