Julie Anne at Elmo, kasama sa US show ng Manny Many Prizes
Naghahanda na ang production crew ng GMA show na 'Manny Many Prizes' para sa kanilang US show na gaganapin sa Universal Studios sa Los Angeles, California ngayong Setyembre 16. Sa ulat ni Luane Dy sa Balitanghali nitong Martes, sinabing kasama sa Hollywood show ang hottest Kapuso love team na sina Julie Anne San Jose at Elmo Magalona. Kaya naman excited na raw ang cast ng Manny Many Prizes sa pangunguna mismo ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao na makapagbigay ng kasiyahan at pa-premyo sa mga kababayan sa California. Ang Hollywood show ng Manny Many Prizes ay bahagi ng ika-pitong anibersaryo ng GMA Pinoy TV, ang international cable channel ng Kapuso network. Kabilang sa mga punong-abala sa paghahanda sa show ay ang GMA Vice President for Entertainment TV na si Marivin Arayata. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News