GMA News Online
Ulat Filipino
»
Pinoy Trivia

Lugar na may pinakamataas na household population sa bansa

September 11, 2012 11:31pm
Kung inaakala ninyo na nasa Metro Manila ang may pinakamataas na household population sa bansa, nagkakamali kayo. Batay sa ulat ng National Statistics Office (NSO), ang populasyon ng bansa hanggang noong Mayo 1, 2010 ay umaabot na sa 92,097,978 katao.

Ngunit kung pagbabatayan ang bawat rehiyon, tinalo na ng Region IV-A ang National Capitol Region pagdating sa pataasan ng household population sa Pilipinas.

Mula sa 9.3 milyong katao na household population size ng Region IV-A noong 2000, tumaas ito ng 35 porsiyento nitong 2010 o 12.6 milyong katao. Ang Region IV-A ay binubuo ng mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas at Quezon.

Naunahan ng Region IV-A ang NCR na mula sa dating 9.9 milyong katao noong 2000 ay naging 11.8 milyon nitong 2010. Sumunod naman ang Region III (10.1 milyon), Region VI (7.1 milyon) at Region VII (6.8 milyon.

Pinakamababa ang household population sa Cordillera Autonomous Region (1.6 milyon), na sinundan ng CARAGA Region (2.4 milyon), Region VI-B (2.7 milyon), Region II (3.2 milyon) at Autonomous Region for Muslim Mindanao (3.2 milyon).

Bagaman tumaas ang bilang ng populasyon, bumaba naman ang average household size na nasa 4.6 katao. Noong 2000, ang average household size sa bansa ay nasa 5.0 katao, at 5.3 persons per household naman noong 1990. - FRJimenez, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus