ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sesyon ng mga kongresista, nabulabog dahil sa sigawan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sandaling naantala ang sesyon ng mga mambabatas sa Kamara de Representantes matapos magsisigaw ang ilang kabataan na nais itaas ang alokasyon na nakalaan para sa state universities and colleges (SUCs) sa 2013. Dahil sa kanilang pagsigaw sa loob ng plenaryo nitong Martes, pinalabas ng House security ang may walong kabataan na sinasabing kasapi ng National Union of Students of the Philippines (NUSP). Iginiit ni Isabelle Baguisi, secretary general ng NUSP, na hindi sapat ang P37.1 bilyon pondo na inilaan sa SUCs sa 2013 kahit pa mas mataas ito sa P25.8 bilyong alokasyon ngayong taon. “Sa totoo lang ho, hindi totoo yung sinasabi nila na enough yung budget na binigay nila. In the past two years, yung kinaltas nila, mas malaki pa roon sa budget na binigay nila this year. In fact, hindi man lang nila binigay yung budget na binawi in the past years," reklamo ni Baguisi. Itinuturing ni Baguisi na “limos" lang umano ang idinagdag sa 2013 budget na inilaan sa SUCs. “Kulang-kulang ang facilities, kulang-kulang ang teachers, pero naririnig natin na dumadami pa rin ang numero ng mga estudyante sa SUCs," pagdiin niya. Sinuportahan ni Kabataan party-list Rep. Raymond Palatino ang naturang reklamo sa pondo ng SUCs. “There is an increase, but it is still grossly insufficient doon sa needs ng ating SUCs. Ang reklamo din ng mga estudyante, mukhang yung increase may conditionalities, na dapat patuloy ang commercialization, may income generating projects through tuition increase, at iyong courses dapat attuned sa priorities ng government," paliwanag niya sa mga mamamahayag. Tinatayang P17.5 bilyon pa umano ang kakulangan sa tunay na pangangailangan ng SUCs, ayon sa kongresista. “Also note the low percentage approved for capital outlay (CO), the fund for the construction of new infrastructure, approving only 22.5 percent or P3.37 billion of the P14.96 billion originally proposed, despite the fact that DBM has not been giving CO to SUCs in the past two years," pahayag ni Palatino nang maghain ng kanyang manipistasyon sa plenaryo. Sinabi naman ni Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casino na maghahain sila ng mungkahi na itaas sa P54.6 milyon ang pondong ibibigay sa SUCs sa 2013. -- RP/FRJ, GMA News