Rico Puno, nagsalita na matapos ang ilang araw na pananahimik
Nagsalita na rin si dating Department of Interior and Local Government Undersecretary Rico Puno tungkol sa mga kontrobersya na kanyang kinahaharap. Iginiit ni Puno na naging maayos ang samahan nila ni yumaong DILG Secretary Jesse Robredo at nagkaroon lamang ng "conspiracy" laban sa kanya ang ilang mga tao. “'Yun ang hindi ko maintindihan – kung bakit may gustong manira sa akin at gawan ako ng napakaraming istorya. Siguro baka mayroong conspiracy or what na nangyayari dahil alam nila na ako ay hindi sasama sa kung anuman ang pinaplanong masama,” ani Puno sa panayam ni Jessica Soho sa "State of the Nation" ng GMA News TV. Noong Martes, inanunsyo ni Puno ang pagbibitiw sa kanyang posisyon sa DILG. Ayon sa kanya, matagal na niyang balak na magretiro. Sa katunayan, anya, ipinaalam niya ang kanyang plano kay Robredo noong Agosto 18, ang araw kung kailan bumagsak sa karagatan ng Masbate ang eroplanong sinasakyan ng yumaong Kalihim. Nagretiro si Puno tatlong araw bago isagawa ang imbestigasyon ng Senado sa kanyang mga aksyon matapos mamatay si Robredo sa plane crash. Ayon kay Puno, maaari umanong nagmula ang mga haka-haka sa 'di pagkakaunawaan nila ni Robredo sa mga nangyari noon sa Luneta hostage crisis (taong 2010), kung saan pumalpak ang rescue operation na nagresulta sa pagkamatay ng walong turista galing sa Hong Kong, kasama na rin ang hostage-taker na si Rolando Mendoza. “Parehas kaming bago noon,” paliwanag ni Puno. “Hindi pa masyadong malinaw yung aming, mga responsibilidad… Kaya ‘nun, nag-uusap kami.” Pinabulaanan din ni Puno ang mga balitang bahagi siya sa mga umano'y magkalaban na paksyon sa administrasyong Aquino. Ayon sa kanya, ang personal na katapatan niya sa Pangulo ay maaaring umabot sa punto na kaya niyang saluhin ang bala para kay Aquino – "any time!" Ayon kay Puno, hindi siya bahagi sa grupong "Balay" o "Samar" – ang umanoy magkalabang paksyon sa Palasyo. "Sa Times po ako e... Kami'y taga-Tarlac din," paliwanag niya na ang tinutukoy ay ang bahay ng mga Aquino sa Times Street sa Quezon City. Kwento niya, nagsimula ang pakikipag-ugnayan niya sa Pangulo noong una siyang nangampanya para kay Aquino nang tumakbo ito sa Kongreso, at sa kalaunan, sa Senado. "Kami ho magmula pa nung panahon po ni Pres. [Cory] Aquino, ni Tita Cory, nung tumakbo siya sa Kongreso’y, nangampanya po kami para sa kanya. At kasama niya akong nangangampanya dun sa mga baryo-baryo. Nung tumakbo ng pagka-Senador e sabi niya sama ka na rin sa 'kin. Kami-kami lang din naman ang magkakasama hanggang sa tumakbo siya pagka-Presidente," ani Puno. Condominium unit ni Robredo Batay sa mga naunang ulat, isang araw matapos makumpirmang namatay si Robredo, sinubukan umano ni Puno na makapasok sa condominium unit ng yumaong kalihim sa Quezon City. Paliwanag ni Puno, wala siyang planong kunin ang mga umano'y kontrobersyal na mga papeles doon. Ayon kay Puno, “Very specific ‘yung order sa akin ni Presidente: ‘I-secure mo yung offices, kailangan walang mga dokumentong lalabas, makokopya or masisira. Marami tayong mga nandiyan na dokumento; marami akong pinapagawa kay Sec. Robredo.’” Nilinaw naman ni Puno na hindi siya intusan ni Aquino na magtungo sa unit, ngunit nakatanggap umano siya ng impormasyong mayroong mga nakatagong dokumento roon. "Kaya kami nagpunta roon. Prudence dictates na kasama iyon sa sinabi rin ng Presidente na may mga dokumento...,” paliwanag niya. Iginiit niyang hindi siya pumasok sa loob ng condominium unit. “Si [P/Sr. Superintendent Oliver] Tanseco lang ang pumasok at sinabihan nga 'yung katulong. Later in the afternoon it was Sec. Leida de Lima who went up there also and saw that there were documents there. Certain documents na hindi ko alam kung ano ang laman nun,” ani Puno. Bago ang kanyang pagpanaw, iniimbestigahan ni Robredo ang ilang kahina-hinalang transaksyon, kabilang na ang kontrobersyal na pagbili ng mga armas para sa Philippine Naitonal Police. 'Nakabakasyon na ako' Itinanggi naman ni Puno ang mga alegasyong overpriced ang mga armas na planong bilhin ng gobyerno. Ayon sa kanya, base sa kanyang obserbasyon, wala umanong naging problema sa bidding. “Isa yan sa mga inutos sa akin ni Presidente Aquino kaya iyon ang binantayan namin. 'Yung [PNP] Bids and Awards Committee, I sit there as an observer. And I observe, nandoon lahat. Kumpleto po. Napakagaling po ng ating Bids and Awards Committee. Hindi ko malaman kung ano 'yung sinasabing overpriced,” aniya. Nauna nang inihayag ng PNP Bids and Awards Committtee na walang kinalaman si Puno sa bidding process para sa mga nasabing armas. Itinanggi rin ni Puno ang alegasyon na kasabwat siya sa operasyon ng jueteng. “Wala akong hinihingi, wala rin akong pinoprotektahang tao at wala rin akong kilalang nagpapa-jueteng,” ani Puno. Samantala, ayon kay Puno, hindi pa niya nakikita ang imbitasyon mula kay Senator Miriam Defensor-Santiago upang dumalo sa paglilitis ngayong Biyernes sa Senado kaugnay ang umano'y overpricing ng mga armas. “Nakabakasyon na ako e... hindi ko pa nakikita yung imbitasyon,” ani Puno. Inanunsyo ni Puno ang kanyang pagreretiro noong Martes, dakong alas-3 ng hapon. "I believe that I have carried out my assigned duties to the best of my ability. Moving forward, I have resigned as DILG Undersecretary to support the President’s decision to give a free hand to the incoming Secretary in forming a new team. I wish to thank President Aquino for his trust and confidence in giving me the opportunity to serve our country and people," aniya. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News