Imbestigasyon sa tax case ng mga Corona, itinakda na ng DOJ
Sisimulan na dalawang linggo mula ngayon ng Department of Justice ang preliminary investigation sa P150-milyong tax evasion case na inihain ng Bureau on Internal Revenue laban kay dating Chief Justice Renato Corona, sa kanyang anak at manugang. Ayon sa mga miyembro ng prosecution panel, sisimulan nila ang imbestigasyon sa darating na ika-25 ng Setyembre. Amg mga akusado ay sina Renato Corona, ang anak nitong si Carla Corona-Castillo, at ang asawa nitong si Constantino Castillo. Balak ng prosekusyon na maghain ng subpeona laban sa tatlo upang makadalo sa preliminary investigation. Binuo ang prosecution team noong nakaraang linggo upang suriin ang posibilidad na mayroong "probable cause" laban sa tatlo dahil sa nakitang mga iregularidad sa kanilang pag-file ng buwis mula 2003 hanggang 2010. Naunang inihayag ni Prosecutor General Claro Arellano na itinakda niya si Senior Assistant State Prosecutor Roseanne Balauag na pamunuan ang imbestigasyon. Maliban sa kanya, tutulong din ang prosecution attorneys na sina Roland Estepa at Javee Laurence Bandong. Ayon kay Justice Undersecretary Francisco Baraan III, binigyan ang panel ng 60 araw upang tapusin ang imbestigasyon at iresolba ang isyu ukol sa "probable cause." Nauna nang naghain ang BIR ng tax evasion case laban sa tatlo dahil sa ilang taon nilang pagkabigo sa pagdeklara ng kani-kanilang mga income tax returns. Nakasaad sa Section 254 ng National Internal Revenue Code (NIRC) of 1997 na mapaparusahan ang mga hindi magbabayad ng kanilang tax liabilities. Lumalabag naman sa Section 255 ng parehong code ang isang taxpayer kapag hindi siya makapag-file ng tamang tax information. Ayon sa BIR, lumabag sa tax code si Corona noong 2003, 2005, 2007, 2008, at 2010. Si Carla naman ay lumabag noong 2010. Samantala, inakusahan naman ng tax evation si Constantino noong 2003 at 2008. Nabigo rin umano itong maghain ng tax returns noong 2003. Ayon sa dating mahistrado – na pinatalsik sa posisyon ng Senate impeachment court sa boto na 20-3 noong Mayo 29 – inuusig umano siya ng BIR mula pa noong bago pa magsimula ang kanyang impeachment trial noong Enero. Tinanggal si Corona sa posisyon dahil nabigo siyang ideklara ang P200 milyong halaga ng ari-arian sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth habang nanunungkulan pa sa gobyerno. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News