GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Senado, inalis na sa kanilang kustodya ang mag-asawang nagmaltrato raw sa kasambahay

September 12, 2012 10:00pm
Ipinasa na ng Senado nitong Miyerkules sa mga awtoridad ang pangangalaga sa mag-asawang inakusahang nagmaltrato at nanakit sa kanilang 21-taong-gulang na kasambahay na si Bonita Baran.

Sa isang text message sa media, inihayag ni Senador Jinggoy Estrada na pinirmahan na niya ang order of release sa mag-asawang Analiza at Reynold Marzan.

Hihilingin na lamang umano ni Estrada sa korte na bigyan ng temporary release ang mag-asawa kung kakailangan sa pagdinig ng Senado.

Si Estrada ang namumuno sa Senate labor committee na nag-iimbestiga sa tungkol sa umano’y pagmamaltrato kay Baran.

Sa panayam naman sa telepono, inihayag ni Estrada na napagkasunduan ng mga senador ang desisyon matapos isagawa ang caucus ng Senado.

Daldalhin umano si Analiza sa Camp Caringal sa Quezon City, habang sa Quezon City Jail naman si Reynold, ayon sa senador.

Sumuko ang dalawa sa National Bureau of Investigation (NBI) noong tanghali ng Lunes. Ngunit hiniling ni Estrada sa NBI at Department of Justice na manatili muna ang dalawa sa Senado dahil sa warrant of arrest na ipinalabas laban sa kanila.

Nitong Miyerkules, unang pagkakataon na humarap ang mag-asawa sa Senate panel at itinanggi ang akusasyon na inabuso nila si Baran.

Hindi pa naman napagkakasunduan kung magtatakda ng susunod na pagdinig sa naturang isyu. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus