200 kilong 'botcha' nakumpiska sa Maynila
Mahigit 200 kilong "botcha" na karne at mga "contaminated frozen meat" ang kinumpiska ng mga awtoridad mula sa Ilaya market sa Divisoria, Manila, Huwebes ng madaling araw. Sa ulat ni Rod Vega sa dzBB, sinabi ni Dr. Joselito Diaz ng Manila City Veterinary Office na nakatanggap sila ng impormasyon na may mga nagbabagsak at nagbebenta ng karneng "botcha" sa nasabing palengke. Agad namang pumunta sa nasabing palengke ang grupo ni Diaz, kung saan nakuha nila ang mga botcha at mga frozen meat sa isang kariton. Wala namang naaresto ang mga awtoridad sa nasabing operasyon, at wala ding nagpakilala na may-ari ng mga karneng nakumpiska. Ayon naman kay Dr Diaz, dapat mag-ingat ang mga mamimili at suriin nilang mabuti ang mga karne na kanilang bibilhin. — LBG, GMA News