Legarda, kinumpirmang nakatanggap ng imbitasyon mula sa UNA
Mahigit dalawang linggo bago ang paghahain ng certificates of candidacy, kinumpirma ni Senator Loren Legarda nitong Huwebes na nakatanggap siya ng imbitasyong maging bahagi ng senatorial slate ng United Nationalist Alliance. Gayunman, hindi pa siya nakatatanggap ng imbitasyon ng parehong alok mula sa ruling Liberal Party. "I confirm that there has been an invitation for me to be a guest candidate of the UNA but let the party officials of the UNA declare that at the proper time in a more formal manner," ani Legarda sa lingguhang forum sa Senado. Ang UNA ay ang koalisyon ng Partidong Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-Laban) ni Vice President Jejomar Binay at ng Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) ni dating Pangulong Joseph Estrada. Ayon kay Ledarda, ihahayag niya ang kanyang mga plano isang linggo bago ang simula ng paghahain ng certificates of candidacy. Maaaring maghain ng COC mula Oktubre 1 hanggang 5. Nang tanungin kung nakatanggap na siya ng imbitasyon mula sa LP, pahayag ni Legarda: "I cannot say that." "Sa pahayan ko lang nababasa yan pero wala naman kumakausap sa amin... that's only in the papers," aniya. Paliwanag niya, nakikipag-ugnayan pa ang kanyang partido, Nationalist People's Coalition (NPC), sa LP tungkol sa pinaplanong koalisyon. "I am not part of the talks it's the party officials who are talking [so] ipauubaya ko na sa NPC ang kanilang pag-uusap sa LP tungkol sa anumang coalition na ako'y maapektuhan, I leave it to the NPC," aniya. "I am running for my final and last term in 2013 still under NPC and I will leave to the party officials whatever talks they have with the Liberal Party," dagdag niya. Nauna nang inihayag ni NPC stalwart Senate Majority Leader Vicente Sotto III na nagkakaroon umano ng "difficulties" ang kanyang partido sa pakikipagsanib sa LP. Itinanggi naman ito ni NPC spokesman Valenzuela Rep. Rex Gatchalian. “We want to stress that the NPC is steadfast in its coalition with the LP for the upcoming 2013 mid-term elections. In fact, talks are ongoing and we are already in the process of threshing out the finer details of the framework of our alliance,” ani Gatchalian nitong Miyerkules. Itinanggi naman ni Legarda na may kompetisyon sa pagitan nila ni Senator Francis Escudero, na kasalakuyang nangunguna sa mga survey kaugnay ang senatorial eleksyon sa 2013. Kinokonsidera si Escudero bilang posibleng common guest candidate ng UNA at LP. "Chiz is my inaanak and he is my kumpadre, ninong siya. There is definitely no competition and we will help each other we will support each other," aniya. Gayundin, hindi umano tina-target ni Legarda ang number 1 spot. "Nangyayari yan kapag ikaw ay masipag at ikaw ay mahal ng tao... napupunta sayo pag para sa 'yo. Hindi sa ayaw ko [pero] nasa taumbayan yan." Samantala, ayon kay Legarda, siniguro na niya at ng kasamahan niyang si Rep. Jack Enrile, senatorial aspirant ng NPC, na susuportahan sila ng NPC kung ano mang partidong sasalihan nila. "They will support us wherever we wish, wherever we decide," aniya. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News