GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Resulta ng imbestigasyon sa pagtagas ng tailing pond sa minahan ng  Philex, ilalabas na

September 14, 2012 1:07pm
Posibleng ilalabas na sa mga darating na araw ang resulta ng imbestigasyon ng Mines and Geo-Sciences Bureau sa pagtagas mg tailing pond ng Philex Mining Corporation sa Benguet.

Sinabi ni MGB Director Leo Jasareno na isinasapinal na ang lahat ng mga detalye ng imbestigasyon sa pagtagas tailing pond 3 sa kasagsagan ng masamang panahon noong Agosto, ayon sa ulat ni Allan Gatus sa dzBB,

Tumanggi muna si Jasareno na isapubliko ang resulta ng kanilang imbestigasyon.

Pero ayon sa kanya, kabilang sa ilalabas na report ay ang volume ng sediment discharge ng minahan.

Mapapaloob din sa report kung magkano ang magiging multa ng kumpaniya, at kung sinu-sino ang maaaring managot sa insidente.

Ayon din sa ulat ng dzBB, binanggit ng pamunuan Philex Mining na nalulugi sila ng P30 milyon bawat araw (sa kabuuan, pumapatak na umano ng P3 bilyon) dahil sa pagkaka-suspinde ng kanilang operasyon.

Sinabi ng MGB na nakatakda nang isumite kay Department of Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje ang resulta ng imbestigasyon bago bibigyan ng kopya ang Philex Mining Corporation.

Matatandaang sinuspinde ng kumpaniya ang operasyon ng Padcal mining site noong hatinggabi ng Agosto 1, matapos nalaman na tumagas ang tailing pond 3 nito.

Noong Setyembre 3, may nakita na namang tagas sa tailing pond 3, dahilan bakit hindi pa pinabuksan ang minahan hanggang sa ngayon. — LBG, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus