GMA News Online
Showbiz

Stars shine at the Bench Universe fashion show

September 14, 2012 3:43pm


Halos napuno ang SM Mall of Asia Arena sa Pasay City nitong Huwebes ng gabi, Setyembre 13, ng mga nanood ng Bench Universe denim and underwear fashion show.

Tuwing dalawang taon lang ito ginagawa ng fashion and lifestyle brand na pag-aari ng negosyanteng si Ben Chan.

Siyempre, bukod sa mga kasuotan, inaabangan nang husto kung sinu-sinong mga showbiz celebrities ang rarampa sa entablado, at kung anong gimik ang ipapakita nila.

Sa ginawang presentation ng mga underwear at denim products ngayong taon, nakipag-collaborate ang brand sa mga sikat na Filipino designers gaya nina Rajo Laurel, Randy Ortiz, Michael Cinco, Cary Santiago, Joey Samson, at Furne On.

Kakaiba rin ang stage design ng show dahil sa apat na moshpits nito na napuno ng fans ng ilang celebrity endorsers.

Saktung-sakto ito dahil ang opening act ng show ay isang rock performance mula sa Fil-Australian rock singer na si Mig Ayesa, na ang huling labas sa Broadway sa New York ay sa Rock of Ages.

Sinundan ang number na ito ng walang humpay na paglakad sa entablado ng mga models, dancers, at celebrities.

TRIBAL PRINTS. Si Kim Chiu ang unang kilalang artistang rumampa sa stage, suot ang isang white glitterey corset top na may katernong detachable printed skirt.

Sa gitna ng entablado ay hinubad ni Kim ang palda upang makita ang suot niyang maikling printed white shorts.

Kitang-kita ang manipis at sexy na katawan ni Kim Chiu.

Tribal prints ang tema ng koleksyon na siya ring makikita sa mga kasuotan nina Joseph Marco, Janine Gutierrez, Stephen Silva, at Sam Concepcion.

Sinundan naman sila ni Jake Cuenca na nagpahiyaw sa audience gamit ang kanyang signature pose, kung saan itataas nito ang dalawang kamay habang nakatalikod sa tao.

May angas ang dating ni Jake na gusto ng mga babae at maging mga lalaki.

Naghiyawan din ang audience nang hubarin ni Jake ang suot na orange brief upang ipakita ang suot na sequined black thongs sa ilalim.

Sunod na ipinalabas ang isang video clip ng classic TV advertisement ng Bench noong 1990s, kung saan makikita ang aktor na si Richard Gomez na nagro-rowing sa dagat.

Matapos ang maikling video, isang bangka na naka-harness sa kisame ng arena ang unti-unting bumababa sa entablado.

Sakay nito ang young actor na si Enchong Dee, na naka-harness din.

Nagpatihulog mula sa bangka ang aktor, sabay sumirko na parang acrobat, bago tuluyang bumaba sa stage.

Sunod na lumabas si Diether Ocampo sakay ng isang big bike na kanya mismong minamaneho.

Sinundan siya ng ilan pang models at artista gaya nina Regine Angeles, Kris Lawrence, Grace Lee, Carla Abellana, Paul Jake Castillo, Angeline Quinto, at Bela Padilla na mistulang diyosa sa puting kasuotan.

JEANS and UNDERWEAR. Sumunod naman ang isang makulay na koleksyon ng jeans at underwear.

Nanguna sa segment na ito ang Princess And I star na si Kathryn Bernardo. Halos hindi siya namukhaan ng ilan dahil sa kakaibang makeup at ayos nito.

Sinundan siya ng StarStruck alumni na sina Rocco Nacino at Enzo Pineda, at ilang miyembro ng Philippine Volcanoes rugby team.

Kasama rin sa segment na iyon ang dating magkasintahan na sina Melai Cantiveros at Jason Francisco.

Sunod na rumampa ang mag-asawang sina Congressman Manny Pacquiao at misis nitong si Jinkee.

Tila nahirapan sa paglakad si Jinkee dahil natatapakan nito ang harapan ng kanyang floor-length gown. Si Manny naman ay tila stiff and shy sa kanyang suit. Pero pareho silang ngumingiti sa audience.

Sumunod na ipinakita ang paisley print collection ng brand na iminodelo nina Sarah Lahbati, Benjamin Alves, Carl Guevara, Christian Bautista, at Rayver Cruz.

Nagsigawan ang mga tao nang lumabas sa stage ang orihinal na celebrity endorser ng Bench na si Richard Gomez.

Wala pa ring kupas ang kaguwapuhan ng aktor, na siya ring napansin ng maraming manonood. Yun nga lang, fully covered ang aktor ng isang non-traditional suit: pula ang isang manggas at black ang kabila.

FUTURISTIC. Sumunod naman ang isang mala-futuristic na production.
Nanguna rito ang Walang Hanggan star na si Julia Montes, at sinundan siya ni Karylle at ng twin basketball players na sina David and Anthony Semerad.

Naging highlight naman ang paglabas sa entablado ng Kapuso hunk na si Aljur Abrenica, na bahagi pa rin ng naturang segment.

Topless si Aljur at may suot na pantalon. May hawak din itong props na tila pakpak na gawa sa bakal.

Tilian ang fans nang, matapos mag-pose ito sa dulo ng stage, tinanggal nito ang butones ng pantalon. Naudlot naman ang tilian nang hindi nito ibinaba ang pants.

Sinundan ito ng bagong segment na mala-underwater ang tema.

Rumampa dito ang dalawang hunk models na sina Pancho Magalona at John Spainhour.

Nagmistulang sea goddess naman si Lovi Poe na pumasok sa stage habang sakay ng isang higanteng coral rock.

Maikli lang ang mala-pantasyang segment na ito na sinundan ng isang medyo nakakatakot pero nakakamanghang pagtatanghal.

Isang malaking bangka ang lumabas mula sa likod ng LED screen background ng entablado.

Sakay nito ang isang lalakeng topless at may suot na itim na kapa.

Nang lumakad ang lalaki ay unti-unting nalantad na ang Kapuso actor na si Dingdong Dantes pala ito.

Napasigaw naman ang maraming kababaihan sa audience nang makita siya.

TWO DESIGNERS. Sunod na nag-perform sa entablado ang Fil-Australian model-singer na si Catriona Gray.

Inawit nito ang kantang “Jar of Hearts" ni Christina Perri.

Sumunod nito ay ang pagrampa ng mga modelong suot ang likha ni Michael Cinco.

Ang Kapamilya star na si Shaina Magdayao ang nanguna sa mga celebrities sa segment na ito.

Sinundan siya nina Mike Tan, Jessy Mendiola, Arron Villaflor, at Borgy Manotoc.

Si Georgina Wilson naman ang nagsara ng segment na sinundan ng finale, kung saan featured ang mga disenyo ni Cary Santiago.

Pinangunahan ng Kapuso actress-TV host na si Jennylyn Mercado ang mga artistang rumampa dito.

Sinundan siya nina Alex Castro, Isabelle Daza, at Bianca Manalo.

Lumakas ang hiyawan nang lumabas si Paulo Avelino na animo’y nagtatangkang hubarin ang suot niyang boxer briefs.

Sumunod sa kanya ang co-star niya sa Walang Hanggan na si Coco Martin na masasabing siyang pinaka-nagpatili sa audience.

Ngunit guwapo man si Coco sa kanyang suot na sando, jeans, at structured cape, marami ang nadismaya dahil hindi man lang daw nagpakita ng abs ang aktor.

Kasama rin sa naturang show ang tatlong alumni ng America’s Next Top Model na sina Allison Harvard, Dominique Reighard, at Sophie Summer.

Nagmistulang party naman ang catwalk sa pagsasara ng show dahil sa live performance ng international band na Far East Movement.

Umakyat din sa entablado si Congresswoman Lucy Torres-Gomez, suot ang pinakagarbong wearable evening gown sa event, at siyang nag-abot ng bulaklak kay Ben Chan. - Demai G. Sunio-Granali, PEP