Bakbakang Pacquiao-Marquez 4, itinakda sa Dec. 8
Inaasahang aakyat muli sa ring ang pambansang kamao na si Manny Pacquiao sa ika-8 ng Disyembre at makipagbakbakan, sa ika-apat na pagkakataon, sa matagal na nitong karibal na si Mexican boxer Juan Manuel Marquez, ayon sa mga ulat. Kasalukuyang pinag-uusapan ang Pacquaio-Marquez fight 4 at ilalabas na ang desisyon sa napipintong labanan sa susunod na dalawang araw, ayon sa promoter na si Bob Arum sa panayam ng Reuters nitong Biyernes. Hindi nagbigay ng karagdagang detalye si Arum, ngunit ayon sa ilang ulat sa meida, magkakaroon ng formal news conference sa Los Angeles para sa laban sa darating na Martes (Miyerkules sa Manila). Tinalo ni Pacquiao si Marquez sa huli nilang laban sa Las Vegas noong nakaraang Nobyembre. Naging kontrobersyal ang majority decision pabor kay Manny. At dahil dito, sinabi ng Pinoy boxing icon na gusto niyang kalabanin muli si Marquez anomang oras. Naagaw ng Amerikanong si Timothy Bradley mula kay Manny ang WBO welterweight title matapos ang umano'y napakakontrobersyal na desisyon sa laban ng dalawa sa Las Vegas noong nakaraang Hunyo. Tinuldukan ng nakagugulat na desisyon ng mga hurado pabor kay Bradley ang 15 sunud-sunod na panalo ni Manny, na nagtamo ng 'di pa napapangtayang wolrd title record sa walong weight divisions. Nangako si Bradley at Manny na magsagupa muli sa darating na ika-10 ng Nobyembre. "It will make me a warrior in having this kind of rematch," ayon kay Pacquiao, na matapos ang laban nina Bradley bumaba ang record tungo sa 54-4-2 na may 38 knockouts. "In the re-match, I want to finish him before the whole 12 rounds. I want the re-match," dagdag pa ni Pacquiao. Ngunit, mula noon, hindi na naging matunog ang remacth dahil umano sa mababang pay-per-view sa laban ng dalawa. "Bradley was a 5-1 underdog against Pacquiao and their June 7 fight failed to attract a sellout crowd at the MGM Grand Garden Arena," ayon pa sa ulat ng Reuters. Pinakamatigas na kalaban Kung ikokumpara ang Marquez-Pacquiao fight sa Bradley-Pacquiao bout, 'di hamak umanong mabenta ang nauna --halos 400,000 na mas maraming pay-per-view kaysa laban ni Manny noong Hunyo. Kinilala sina Marquez at Pacquiao sa kanilang agresibong taktika sa ring. Katunayan, naging-draw ang laban nila noong Mayo 2004. Naagaw ni Pacquiao ang WBC super-featherweight title ni Marquez noong Marso 2008, sa isang kontrobersyal na one-point split decision. Noong nakaraang Nobyembre, nadepensahan ni Manny ang kanyang WBO welterweight title laban kay Marquez, pero napakaliit lamang ng lamang niya. Isinisi ang "poor performance" ng pambansang kamao sa mga distraction sa kanyang training, kasama na umano ang problema sa relasyon sa kanyang asawa. Nang tanungin noon kung gusto pa niyang harapin si Marquez sa ika-apat na pagkakataon, sinabi niya: "Any time, any time. I am a fighter and my job is to fight in the ring." Samantala, lubha naman ang pagkadismaya ni Marquez sa desisnyon ng mga hurado at sinabing dinaya siya sa dalawang huling pagkakataon sa kanyang pagharap kay Manny. "It's hard when you're fighting your rival and the three judges, too," ayon pa kay Marquez na nagmamadaling bumaba sa ring at sumigaw ng: "I got robbed!" — LBG, GMA News