GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

Angelica Jones, nagsilang na ng isang healthy baby boy

September 15, 2012 7:00pm

Ang importante mayroon akong anak na healthy, guwapo at maraming nagmamahal sa akin.
Angelica Jones
Nanganak na ang actress-turned-politician na si Angelica Jones nitong September 7 ng isang malusog na baby boy na pinangalanan niyang Angelo Timothy Benedict.

Sa showbiz talks show na Startalk TX nitong Sabado, sinabi ni Angelica, board member na ngayon sa lalawigan ng Laguna, na malusog at guwapo ang kanyang unang anak.

Gayunman, hindi umano nagpakita sa ospital ang ama ng bata na isang konsehal sa Batangas.

Hindi na rin daw siya dapat pagdudahan dahil makikita sa itsura ng baby na hindi siya, kundi ang ama ang kamukha ng bata.



Matatandaan na noong Hulyo ay ikinuwento ni Angelica na nagkakalabuan na sila ng lalaking nakabuntis sa kanya.

Ngunit kahit nakapanganak na, sinabi ng actress-politician na hindi na siya umaasang magkakabalikan pa sila ng lalaki.

Nais lang daw niya na bigyan ng ama ng moral at financial support ang bata bilang obligasyon nito sa kanilang anak.

“Ang importante mayroon akong anak na healthy, guwapo at maraming nagmamahal sa akin," ayon kay Angelica. - FRJimenez, GMA News