GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy

'Metrosolusyon website' ng MMDA ilulunsad sa Martes

September 16, 2012 11:00am
Ilulunsad ng Metro Manila Development Authority sa darating na Martes ang isang website na magiging katuwang ng ahensiya sa pakikisalamuha sa mga mamamayan.

Sa programang MMDA sa dzBB nito'ng Linggo, sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na ang metrosolusyon website ay  para sa mga mamamayan na may mga suhestiyon, reklamo, rekomendasyon, at maging pag-report ng mga nangongotong o mga magagandang gawain na dapat papurihan.

"Dito po sa Metrosolusyon website na aming ilulunsad sa Martes, eh mabibigyan natin kaagad ng kaukulang aksyon ang gustong iparating sa atin ng mamamayan," ayon kay Tolentino.

"Subalit, hindi naman itinayo ang website para manira sa kapuwa, o manira sa iba. Iba-validate pa rin natin [ang mga dumarating na information] at iimbestigahan pa rin natin. At 'pag na-validate na, saka lamang namin ipo-post doon sa website," dagdag pa ni Tolentinbo.

Sinabi din niya na lahat ng tanong, hinaing, at concerns ng mga mamamayan sa kalakhang Metro Manila – ukol sa a baha, traffic, basura – ay ilalabas sa metrosolusyon website.

Samantala, ipinaliwanag ni Tolentino na binigay na ng MMDA sa Department of Social Welfare and Development ang mga kulay asul na mga capsule bed.

"Minarapat po natin na i-donate na kay Secretary Dinky Soliman ng DSWD ang mga capsule bed. Nakaimbak lamang sa warehouse at nagsara na po 'yun. Para magamit po ng mga nare-rescue nating mga kabataan sa Fabella Center, at 'yung mga matatandang matagal nang naroon sa center," ayon pa kay Tolentino.

"May kutson po 'yan (capsule bed). May electric fan nakakabit na sa itaas. 'Pag may evacuation o rescue (operations), magagamit din 'yan ng DSWD," dagdag pa ng hepe ng MMDA. — LBG, GMA News


We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement