ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lacson: Ilang mga pulis, financier ng jueteng


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inihayag ni Senator Panfilo Lacson na ilang miyembro ng Philippine National Police ang umano'y financier na rin ng jueteng dahil sa tukso ng malakihang kinikita sa ilegal na sugal na ito. Sa panayam sa dzBB nitong Linggo ng umaga, sinabi rin ni Lacson na may alam siya na ilang mga pulis na sangkot jueteng. "[Ang ilang pulis], sila na msimo ang nag-o-operate. Ang iba naging kasosyo at mayroon pang may mga front na sila na gambling operators, pero actually eh sila na 'yung nangangapital," ayon pa kay Lacson, na dating hepe ng PNP sa panahon ng pinatalsik ng Pangulong Joseph Estrada. Sinasabi din ng senador na may ilang regional at provincial directors ng PNP umano'y tumatanggap ng payola mula sa gambling lords kaya nagpapatuloy pa rin ang jueteng sa kani-kanilang mga lugar. "'Yung sa malalaking regions, pumapalo ng P2 milyon hanggang P3 milyon sa isang buwan ang payola. Sa provincial directors, P1 milyon, P500,000 o 'di kaya P1.5 milyon, depende sa laki ng probinsiya. Papaano hindi matutukso?" ani Lacson. Pero iginiit ni Lacson na may mga opsiyales pa rin ng PNP na talagang hindi tumatanggap, ngunit nahihirapang labanan ang operasyon ng jueteng. "May regional at provincial directors na hindi tumatanggap, pero helpless din sila kasi 'pag hinuli ng mga tauhan nila yung mga kubrador, papakitaan sila agad ng PCSO (Philippine Charity Sweepstakes Office ) ID at sasabihin nila na nangongolekta sila para sa STL (Small Town-Lottery)," ayon kay Lacson. "Helpless din ang pulis, maski 'di tumatanggap ng lagay, wala din silang magawa kasi may mga legal technicalities na nagagamit pa mismo yung PCSO. 'Yung pulis pa ang nakakasuhan," dagdag pa niya. Samantala, sinabi ni Lacson na hindi naman niya dinedepensahan si Pangulong Benigno Aquino III sa mga alegasyon na kaya hindi natitigil ang jeuteng dahil wala inilabas na categorical statement ang Pangulo na ipatigil na ang ilegal na sugal. "Mga ilang beses kong nang narinig ang pahayag ng pangulo... categorical naman yung kanyang sinasabi... kaya ewan ko kung ano pang categorical na pronouncement na kailangan marinig mula sa pangulo," ayon sa kanya. "At least, tatlong beses ko nang narining ang malinaw na pahayag ng pangulo na sugpuin na ang jueteng," dagdag pa ng dating PNP chief. — LBG, GMA News