Pep.ph
GMA News Online
Showbiz
»
Dolphy

Eric Quizon says big stars to participate for free in Dolphy tribute concert

September 17, 2012 5:02am
Tuloy na sa Miyerkules, Setyembre 19, 7 pm, ang Dolphy Alay Tawa: A Musical Tribute to the King of Philippine Comedy.
 
Dapat sana’y nung Agosto 31 ito naganap, pero na-postpone dahil sa pagsasailalim ni Zsa Zsa Padilla sa kidney operation. 
 
Bagamat hindi napakasalan, si Zsa Zsa ang huling nakarelasyon at kinasama ni Dolphy sa loob ng 23 taon.
 
Kuwento ni Eric Quizon sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Martes, Setyembre 11, sa Emperor Room ng Imperial Palace Suites, “We decided to delay kasi nga the family decided to wait for Zsa Zsa.
 
“Kasi noong time na yun, yung date na yun ay ooperahan si Zsa Zsa.
 
“Supposedly, gagawin namin yung tribute. That’s why we decided to to delay it and mabuti na lang din the networks decided to wait for her also. 
 
“I think it was a general consensus, e. Na parang napag-isipan na parang, it will be incomplete without  Zsa Zsa.
 
“And mabuti na lang din at naging mabuti ang naging resulta ng surgery ni Zsa Zsa, and benign nga rin yung kanyang tumor.
 
“So, which is all good. So, it’s going to the right direction.”
 
Dugtong pa ni Eric, palagi naman daw silang nag-uusap at nagbabalitaan ni Zsa Zsa kahit noong nasa States pa ito.
 
Panigurado pa niya, darating si Zsa Zsa sa tribute, pero hindi pa siguradong kakanta ito dahil nga kagagaling lang nito sa operasyon.
 
TV networks unite

Ang musical tribute para sa Hari ng Komedya ay isang pambihirang pagkakataon para sa Philippine television industry.
 
Magkakaisa kasi ang tatlong malalaking TV stations ng bansa sa pagpapalabas ng tribute nang magkakasabay.  
 
Tagline nga ng tribute: “Kapamilya, Kapuso, Kapatid. Sama-samang magbibigay-saya.”
 
Sabi ni Direk Eric tungkol sa pagkakaisang ito ng tatlong bigating network, “Wala lang, naisip lang namin.
 
This all happened during his wake, and his burial, when all the three networks—TV5, GMA-7, and ABS-CBN-2—were all united.
 
“Kumbaga, naging maayos siya, hindi naging magulo.
 
“Parang it dawned to me to come up with a tribute. Na sabi ko nga, I don’t wanna give it to a single network.
 
“Kasi maybe because my dad is adored and loved by everyone, and he really is a people person, e.
 
“Kumbaga, parang isa siyang simbolo ng industriya.
 
“Kaya naisip ko din na pagsama-samahin ang tatlong networks, and lahat naman, nag-cooperate.”
 
Kahit na hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaisa ang tatlong magkakalaban na network para sa coverage ng isang event, magandang pakita raw ito ng pagkakaisa sa showbiz industry.
 
“Kumbaga, parang it just shows na we’re all united.
 
“Kasi napakaliit ng mundo ng industriya. Kumbaga, ang mga artista, umiikot lang din.
 
“Ang mga tao, mga staff, and mga crew umiikot din lang.
 
“Even top management, umiikot din lang. So, ganun na lang siguro yun.
 
“Like I said, it’s a small industry, it’s a small world.
 
“Kaya dapat lang magkaroon ng ganitong initiative na magsama-sama ang mga networks para sa isang proyekto."
 
Sa gabing yun, pare-pareho raw talaga ang mapapanood sa tatlong stations.
 
“Yes, sa tatlong networks, sabay-sabay na mapapanuod.
 
“Kung ano’ng nangyayari sa isa, yun ang nangyayari sa tatlong networks.
 
“Simultaneous, sabay-sabay. Pati yung commercial, sabay-sabay din siya.
 
“Ang maganda lang dito, nagkakaisa ang lahat ang networks all for a good cause. All for Dolphy.”
 
The show

Ano ba ang maaasahan na mapapanood sa tribute concert?
 
“Ang makikita natin dito ay lahat, somehow, may koneksiyon sa daddy ko.
 
“Yung mga paborito niyang kanta. Maraming mga clips from his movies, yung mga nagsasayaw siya.
 
“Marami kaming mga nakitang mga materyal na nakikita natin siyang nagsasayaw.
 
“Maraming mga dance numbers dahil alam naman nating may dad is a dancer.
 
“And then of course, kumbaga, yung buhay na dinaanan niya, through the years, makikita natin dito in a form of a tribute,” pahayag ni Eric.
 
The biggest stars for free

Ngayon pa lang ay inaantabayanan na ng mamamayan ang pagdating ng mga pinakamalalaking artista sa bansa mula sa tatlong istasyon.
 
Kumpirmado nang dadalo sa pagtitipon ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor, at ang Star For All Seasons at Batangas Governor na si Vilma Santos-Recto.
 
“Maraming mga nag-confirm—Martin Nievera, Gary Valenciano, Vic Sotto, Ogie Alcasid, Michael V, Comedy Queen Ai-Ai delas Alas,  Megastar Sharon Cuneta, Diamond Star Maricel Soriano, Grand Slam Queen Lorna Tolentino, Joey de Leon…madami,” pagbibida ni Eric.
 
“They’re all doing it for free. All for the love of my dad.
 
“So, ngayon pa lang, nagpapasalamat na ako sa lahat. Sa kanilang lahat.”
 
Donations in the form of tickets

Dapat sana raw ay free entrance ang musical tribute para kay Dolphy.
 
Pero dahil libreng ibinigay rin ng SM ang Mall of Asia Arena sa Pasay City para pagdausan ng concert, gusto raw sana ng management ng venue na maging maayos ang event.  
 
Kaya may ticket na kailangang bilhin, na siya ring magsisilbing donasyon ng mga manonood sa mga susuportahang cause-oriented organizations ng tribute concert.
 
“Ang gusto lang kasi ng Arena, maging orderly. So, yung tickets is a form of donation. Minimum donation of a P150, makakapanood sila ng concert. 
 
“Ganun siya kababa. Para ka lang nanonod ng sine and makikita mo lahat yung mga paborito  niyong artista.
 
“Merong way of  ordering tickets—on-line, sa lahat ng mga SM Cinemas, they can buy the tickets during the concert itself.
 
“They’re gonna be selling tickets outside, pero yun na nga yung sinasabi ko in a form of donation.
 
“Yung P150 nila, nakatulong na sila, makakapanuod pa sila ng concert.”
 
Ang mga organisasyon na makikinabang sa kikitain ng concert ay ang Friends of Hope, Eye Bank Foundation of the Philippines, the Philippine Red Cross, at ang Dolphy Aid Para sa Pinoy Foundation.
 
Dagdag pa ni Direk Eric, nagkaroon din ng sarili tribute ang SM Cinemas.
 
“They’re going to show my dad’s movies, yung pinakahuling pelikula niya, yung Father Jejemon at saka yung Nobody, Nobody But Juan ipapalabas sa selected SM Cinemas all over the Philippines.”
 
Ipinalabas ang mga pelikulang ito ni Dolphy sa SM Cinemas nung Setyembre 14 hanggang Setyembre 16. Pep.ph



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus