AFP
GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy

MILF, 'di lalahok sa panawagang anti-US protests

September 17, 2012 12:29pm
Hindi makikilahok ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa panawagan ng al Qaeda na salakayin ang US targets sa bansa bilang ganti sa isang pelikulang umiinsulto umano sa Islam na nagdulot na ng malawakang protesta sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa halip, inutos ng pamunuan ng MILF sa may 12,000 nitong miyembro na sundin ang kasunduang ceasefire sa pamahalaan ng Pilipinas, ayon kay Ghazali Jaafar, chief political officer ng MILF.

"We do not live in the Dark Ages, there are rules and laws that need to be followed," ani Jaafar sa panayam ng Agence France Presse. "We have an existing ceasefire with the Philippines, and we will not violate that."

Ayon sa kanya, maituturing na "senseless act of violence" ang pagpatay kay US Ambassador to Libya Chris Stevens at sa tatlong iba pa ng mga demonstrador sa Libya nitong nakaraang linggo.

"Even in war, there are international norms that need to be accepted, including the protection of diplomats and embassies," ani Jaafar.
 
Sa kabila nito, kinondena niya ang mga nasa likod ng kontrobersyal na pelikulang isinagawa sa US na isa umanong insulto kay Prophet Mohammad.

Ayon kay Jaafar, babantayan ng MILF ang iba pang mga Muslim na grupo sa Pilipinas. "We will inform government negotiators of any impending terror attacks," dagdag niya.

Nagsimula ang paghihimagsik ng mga Muslim sa Mindanao noong 1970's kung saan mahigit 150,000 na ang namamatay. Nang bitiwan nila ang hiling na kasarinlan, pumayag sila na magkaroon na lamang ng isang autonomous region sa Mindanao.

Maliban sa MILF, isa pang grupo ng mga armadong Muslim —ang Abu Sayyaf, na may kaugnayan sa al Qaeda — ang kumikilos sa bansa.

Nanatili namang nakaalerto ang ilang Western embassies sa Maynila nitong Linggo laban sa anumang pag-atake.

Ayon sa pinuno ng national assembly ng Libya, maaari umanong planado ng isang grupong may “agenda” ang pag-atake sa US consulate sa Benghazi nitong nakaraang Martes at hindi lamang umano biglaang reaksyon sa video na kumalat sa Internet.

Nitong Linggo, mahigit 350 katao ang nagprotesta sa labas ng US Embassy sa London kaugnay pa rin sa nasabing video. Sinunog naman ng ilang demonstrador ang watawat ng US sa labas ng embassy sa Turkey. Meron ding mga nag-protesta sa Pakistan.

Samantala, isa ang patay nang mag-open fire ang mga hindi pa kinikilalang salarin sa Hyderabad, at limang katao naman ang sugatan mula sa pakikipaglaban sa mga pulis sa Karachi nang subukan ng mahigit 1,000 protesters makalapit sa US consulate.

Nanawagan ang pinuno ng Shi'ite militant group Hezbollah na magprotesta sa Beirut nitong Linggo.

"Those responsible for the film, starting with the US, must be held accountable," ani Sayyed Hassan Nasrallah. "All these developments are being orchestrated by U.S. intelligence."

Ito umano ang pinakamarahas na anti-American protests ng mga Muslim mula nang magsimula ang tinaguriang Arab Spring nitong nakaraang taon. Mahigit siyam katao na ang napatay mula sa protesta sa iba't ibang bansa nitong nakaraang Biyernes. — KBK, GMA News


advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement