GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

MPD, Coast Guard nagdagdag ng tauhan sa paligid ng US Embassy

September 17, 2012 3:44pm
Pinaigting ng Manila Police District (MPD) at ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Lunes ang seguridad sa paligid ng US Embassy sa Maynila sa gitna ng pagbabanta ng teroristang grupo na al Qaeda sa mga US foreign post.

Nagtalaga ang MPD ng mga mobile patrol sa paligid ng embahada upang mas lalo itong mabantayan laban sa sinumang magtatangkang umatake rito, ayon sa ulat ni Carlo Mateo sa radio dzBB.

Nagpakalat naman ang PCG ng Special Operations Group (SOG) teams sakay ang rubber boats upang bantayan ang Manila Bay kung saan matatagpuan ang nasabing embahada.

Ito ay matapos siguraduhin ng Malacañang na ligtas ang mga taga-US Embassy sa Maynila sa gitna ng mga pagbabanta sa US posts sa ibang bansa dahil sa kontrobersiyal na anti-Muslim video umano ng US.

Nitong Linggo, sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na naniniwala silang hindi aatake ang Muslim sa Pilipinas sapagkat umiiral ang "sobriety" nito.

Ayon pa kay Valte, wala pa umanong nagaganap na karahasan sa mga embahada sa Pilipinas katulad nang nangyari sa Libya kung saan napatay ng mga demonstrador ang US ambassador at tatlo pang kasamahan nito roon.

Dagdag niya, siniguro mismo ni Metro Manila police head Chief Superintendent Leonardo Espina ang pagpapaigting ng seguridad sa labas ng US Embassy. Amanda Fernandez/KBK, GMA News
Go to comments