Mambabatas na Muslim, nanawagan sa pamahalaan ng PHL na ikondena ang umano'y anti-Islam na pelikula
Hiniling ng isang Muslim na mambabatas sa pamahalaan nitong Lunes na kondenahin nito ang pagpapalabas ng isang US film na nang-iinsulto umano sa relihiyong Islam at naging sanhi ng malawakang kilos-protesta ng mga Muslim sa iba't ibang panig ng mundo. Ayon kay Sulu Rep. Tupay Loong, ikinagagalit niya ang pelikulang "Innocence of Muslims" na aniya'y “irreverent to the Islamic faith.” “I would like to appeal to our government, even if majority of the population here are Christians, to show its support to its Muslim constituents by condemning the production and showing of the anti-Islam film, as this is blasphemous and against all forms of moral and social ethics,” ani Loong. Dagdag niya, dapat igiit ng Pilipinas sa US, na siya umanong gumawa ng pelikula, na madaliin ang pag-resolba sa isyu sa kabila na lumalalang protesta ang karahasan dahil dito. Samantala, nananatili namang mahigpit ang seguridad sa mga embahada ng US sa iba't ibang bahagi ng mundo, kabilang na ang US Embassy sa Maynila, matapos ang marahas na pagpoprotesta sa ilang mga Muslim na bansa. Bunsod sa marahas na pagprotesta, napatay ang US envoy to Libya at ang tatlo pang Amerikanong tauhan ng consulate sa Benghazi. Gayunpaman, inihayag ng Malacañang na wala itong planong i-block ang video sa Pilipinas. Manatiling mahinahon Sa parehong pahayag, nag-apela si Loong na maging mahinahon ang kanyang mga kapwa Muslim, na bumubuo sa 4.6 percent ng populasyon ng Pilipinas. “I would like to call upon my Muslim brothers and sisters in the country not to take the laws into their hands and show their anger and hatred through violence and destruction,” aniya. “While it is difficult for us to calm down and suppress our anger, leaving everything to authorities, we cannot help but demonstrate our sentiment and support to our Muslim brothers throughout the world in condemning the showing of this anti-Islam film,” dagdag niya. Nitong Linggo, inihayag ng Moro Islamic Liberation Front (MILF)—ang pinakamalaking Moro insurgent group sa Pilipinas—na hindi ito makikilahok sa marahas na pagprotesta para sa kontrobersyal na pelikula. Nanawagan ito sa kanilang 12,000 miyembro na panatalihin ang ceasefire pact nito sa gobyerno. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News