GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Animal expert na si Goodall, nanawagan kay PNoy na ilipat ng kanlungan si ‘Mali’

September 20, 2012 6:21pm

Personal na sumulat umano kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang batikang animal conservation expert na si Dra. Jane Goodall upang hilingin sa pamahalaan na mailipat ng kanlungan si “Mali,’" ang nag-iisang elepante sa Manila Zoo.

Sa kanyang sulat, binigyan-pansin ni Goodal ang kakulangan umano ng pangangalaga ng beterinaryo kay Mali. Bukod dito, nag-iisa at walang nakakahalubilong kapwa hayop ang elepante na may masamang epekto umano sa hayop.

“I am heartened to learn that you agree that action must be taken for this ailing elephant," pahayag ni Goodall. "Elephants need the company and companionship of other elephants. Even if Mali were in a sound state physically, keeping her alone in a cramped, barren pen is still ethically indefensible."

Ayon kay Goodall, binigo ng pamunuan ng Manila Zoo si Mali dahil sa kakulangan ng pag-aarugang medikal na kailangan ng hayop. Pinuna rin ang sugat sa paa ng elepante na dulot ng kanyang pagiging “bihag" sa zoo.

"The Manila Zoo has failed Mali. Not only is she suffering from isolation and captivity-induced foot problems, I've also learned that she has not even had basic blood work conducted in the three and a half decades that she's been at the zoo," pahayag niya.

"The demonstrated lack of preventive care and prophylactic treatment is indicative of the inadequate expertise available to Mali. This elephant has suffered long enough," dagdag ni Goodall.

Si Goodall ay kinilala sa kanyang husay sa larangan ng ethology o pag-aaral sa mga hayop sa kanilang natural na tirahan. Maraming dekada ang inilaan niya sa mga trabaho at gawaing sumasaklaw sa maraming isyu sa konserbasyon.

Dahil sa kanyang humanitarian works at pagpapahalaga sa kapaligiran, binansagan si Goodall na Dame Commander of the British Empire at United Nations Messenger of Peace.

Si Goodall ay kabilang sa lumalaking listahan ng mga dalubhasa sa hayop na sumusuporta sa panawagan ng People for Ethical Treatment of Animals (PETA) na ilipat si Mali sa tama nitong kanlungan kung saan makakukuha siya ng tamang pangangalaga at mabubuhay kasama ang iba pang elepante. - FRJ, GMA News
Go to comments