Usapin kay Trillanes, ‘di raw dapat makaapekto sa LP-NP coalition
Mananatiling kasama sa listahan ng senatorial candidate ng administration coalition para sa 2013 elections si re-electionist Sen. Antonio Trillanes IV sa kabila ng kinakaharap nitong kontrobersiya tungkol sa backdoor negotiation sa China. Sa panayam ng media nitong Huwebes, sinabi ng bagong talagang Transportation Secretary na si Joseph Emilio Aguinaldo Abaya Jr., secretary general ng Liberal Party, na hindi dapat makaapekto sa koalisyon ang nangyaring kontrobersiya kay Trillanes. Si Trillanes ay kasapi ng Nacionalista Party (NP) na pinamumunuan ni Sen. Manny Villar, at kasama sa listahan ng mga kandidatong senador na isasabak ng koalisyon sa darating na 2013 mid-term election. “That [issue] could still evolve. We haven’t made an assessment yet [on Trillanes]. But it should not shake up the coalition," pahayag ni Abaya, kongresista ng Cavite bago itinalagang DOTC secretary ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Bukod sa LP at NP, kasama sa binubuong koalisyon ang Nationalist People’s Coalition (NPC), National Unity Party (NUP), at ilang party-list groups. Nitong Miyerkules, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Trillanes at Senate President Juan Ponce Enrile tungkol sa usapin ng pakikipagnegosasyon sa China at panukalang batas na hatiin ang lalawigan ng Camarines Sur. Sinabi ni Enrile na hindi niya titigilan si Trillanes hanggang sa panahon ng halalan at ibibisto sa publiko ang pagkatao nito. Huling termino na si Enrile bilang senador at hindi maaaring tumakbo sa katulad na posisyon sa May 2013 polls. Gayunman, kasama ang kanyang anak na si Cagayan Rep. Jack Enrile sa listahan ng mga kandidatong senador ng United Nationalist Alliance (UNA) na pinamumunuan nina Vice President Jejomar Binay at dating Pangulong Joseph Estrada. Sa isang text message, sinabi ni Budget and Management (DBM) Sec. Florencio Abad na hindi pa nila napag-uusapan sa koalisyon ang nangyari kay Trillanes. Bukod kay Trillanes, nais ng NP na makasama sa Senate slate ng administrasyon sina Sen. Alan Peter Cayetano, dating Las Pinas Rep. Cynthia Villar at dating Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers. Sinabi naman ni House Majority leader Neptali Gonzales III, na muling magpupulong ang koalisyon upang makompleto na ang 12 hanggang 13 pambatong senador ng administrasyon. Bagaman 12 senador lang ang iboboto sa darating na halalan, maaaring maging 13 ito kapag nabakante ang puwesto ni Sen. Miriam Defensor Santiago at magdesisyon ito na maupo sa International Court. Sa ngayon, sinabi ni Gonzales na nananatiling hanggang 16 na pangalan pa ang nasa listahan ng kanilang pinagpipilian na isasama sa senatorial ticket. -- RP/FRJ, GMA News