Rolito Go, pinayagang magpagamot sa labas ng Bilibid
Pinayagan ng Department of Justice ang murder convict na si Rolito Go na makapagpagamot sa Chinese General Hospital para sa kanyang rectal cancer. Sa report ni Cecille Villarosa sa dzBB, nakasaad umano sa endorsement letter ng DOJ kay Bureau of Corrections OIC Manuel Go na inaprubrabahan ng DOJ ang hiling ni Dr Samuel Ang, ang acting head ng Medical and Dental Division ng New Bilibid Prision. Ang nasabing endorsement letter ay pirmado ni DOJ Undersecretary Francisco Baraan, kung saan pinayagan si Go na sumailalim sa chemotherapy sa loob ng tatlo hanggang limang araw kada buwan. Magtatagal naman ang nasabing gamutan sa loob ng apat hanggang anim na buwan. Ang chemotherapy ay gagawin naman ni Dr Juanita Lu-Lim, isang onchologist. Bibigyan ng mahigpit na seguridad si Rolito Go habang magpapagamot, kabilang na ang pagtalaga ng anim na custodial personnel na maghahati-hati sa tatlong "shift" bawat araw. Isa sa magbabantay kay Go ay isang Senior Custodial Inspector na magtitiyak ng seguridad at magsasagawa ng random inspection sa ospital, at mag-e-escort kay Go patungo pagamutan, at sa pagbalik sa NBP. Lahat naman ng gagastusin sa pag-papagamot ay sasagutin ni Go. Matatandaan na muling naging kontrobersiyal si Go matapos siyang nawala sa NBP noong nakaraang Aug. 14. Isang araw matapos natuklasan at napabalita sa media na nawawala siya sa NBP, lumutang naman si Go kasama ang kanyang pamangkin na nurse at sinabi nito na dinukot umano siya ng mga hindi nakikilalang mga armadong lalaki sa loob mismo ng pambansang bilangguan. Pinakawalan umano si Go at ang kanyang pamangkin ng mga dumukot sa kanila sa isang lugar sa Laguna. Si Go ay isang convicted killer ng isang dating estudyante ng Mapua University dahil sa away trapiko. — LBG, GMA News