ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Trillanes, dapat magbitiw sa hawak na komite -- Enrile


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa paglipat sa grupo ng minorya sa Senado, sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na dapat magbitiw sa hinahawakan niyang mga komite si Senador Antonio Trillanes VI. “You see, he enjoys all the benefits of being in the majority but he is now in the minority. Kung ako siya, kung talagang magiging minority siya, dapat (bitawan niya ang komite), gawin niya iyon," pahayag ni Enrile sa panayam sa radyo nitong Biyernes. Nitong Miyerkoles, inihayag ni Trillanes sa plenaryo ang pagkalas niya sa grupo ng mayorya para lumipat sa grupo ng minorya na pinamumunuan ni Sen. Alan Peter Cayetano. Idinahilan ni Trillanes na nawalan na siya ng tiwala sa liderato ni Enrile matapos umanong itulak nito ang pag-apruba sa panukalang batas na hatiin sa dalawa ang lalawigan ng Camarines Sur. Pinaghinalaan din ni Trillanes na nakikipagsabwatan si Enrile kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa paghati sa nabanggit na lalawigan. Pero mariing itinanggi nina Enrile at kampo ni Arroyo ang paratang ni Trillanes. Ayon kay Enrile, miyembro ngayon si Trillanes ng Senate Electoral Tribunal (SET), at namumunao sa Senate committee on civil service and government reorganization; committee on amateur sports competitiveness, at Select Oversight Committee on Government Procurement. Dahil hindi na miyembro ng mayorya, sinabi ni Enrile na maaaring alisin na si Trillanes sa SET. Posible naman daw na iwan sa senador ang committee on civil service and government reorganization kung nais nito. Pero kung gusto umano ni Trillanes na gayahin siya, sinabi ni Enrile na mabuting huwag na itong tumanggap ng komite. “Kagaya nang ginagawa ko nung ako ay minority sa Senate. I have no committee. Wala ako hinawakan na committee when I was in the minority in 1987. Kung gusto mo na maging tunay na minority at hindi magkukunwari lang dahil nga you are petulant o meron ka hinanakit na wala namang dahilan ay gawin mo yun," hamon ng lider ng Senado. “Principle ang pinag-uusapan natin, hindi plastikan," dagdag pa niya. – RE/FRJ, GMA News