Babaeng nagwala sa Cebu City, nanaksak ng kapitbahay gamit ang gunting
Isang ginang ang isinugod sa ospital sa Cebu City matapos saksakin sa likod ng gunting ng kanyang kapitbahay na babae na nagwala. Sa ulat ng GMA News TV’s Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, sinabing umabot sa kalsada ang pagwawala ng babae na naging dahilan ng pagbigat ng daloy ng trapiko sa Brgy Lahog. Maging ang mga nagrespondeng pulis ay nahirapan na mapayapa ang nagwawalang babae. Dahil dito, napilitan na ang kanyang mga kapitbahay na igapos siya para madala sa presinto. “Sabi niya papatayin daw niya kami. Hinarangan ng anak ko ang pinto hindi niya kinaya," ayon kay Agapita Tak-ing. Dinala sa ospital at ginamot ang mga sugat ng biktimang nasaksak ng suspek sa likod. Samantala, ipasusuri naman sa duktor ang pag-iisip ng suspek para malaman kung mayroon itong sakit. Inamin ng kapatid ng suspek na hindi ito ang unang pagkakataon na nagwala ang babae. -- FRJ, GMA News