Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Paolo Contis breaks silence about separation from Lian Paz

September 22, 2012 2:37pm


Maingat si Paolo Contis nang nakapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kaugnay ng hiwalayan nila ng asawang si Lian Paz.

Dumating ang aktor noong Miyerkules ng umaga, September 19, galing Amerika kung saan nag-show sa Universal Studios ang Manny Many Prizes. Kaagad siyang bumalik sa Pilipinas para sa taping ng primetime series na Aso Ni San Roque.

Sinadya ng PEP si Paolo sa taping ng bagong fantaseryeng ito ng GMA-7. Napansin namin na tahimik lamang ang aktor at halatang may dinadalang problema.

Ayon kay Paolo, alam niyang magsasalita si Lian tungkol sa kanilang paghihiwalay. (Basahin: Lian Paz, inaming may problema sa pagsasama nila ni Paolo Contis)

“Hindi naman ako nagulat kasi we talked about it naman," simula niyang pahayag.

“Actually, hindi naman talaga presscon para dun. Nagkataon lang na thanksgiving dapat yun, na nagkataon lang na dun sa week nangyari yung changes sa amin.

“I gave her naman the go signal to talk about it."

Kinumpirma ni Lian ang paghihiwalay nila ni Paolo sa pocket presscon niya noong September 12.

Sinabi rin ni Lian na si Paolo ang nagdesisyong maghiwalay sila, pero hindi sinabi ng dating miyembro ng EB Babes ang dahilan.

NOT AN EASY DECISION. Sa panayam ng PEP kay Paolo, sinabi niyang hindi naging madali ang desisyon nilang iyon at matagal daw niya itong pinag-isipan.

Pero hindi rin daw niya puwedeng sabihin kung ano talaga ang dahilan bakit naisipan niyang makipaghiwalay.

Sabi ni Paolo, “Hindi ito biglaang desisyon. Lahat naman ng desisyon, pinag-isipan nang mabuti

“Merong mga pinanggalingan kung bakit naging desisyon siya.

“I’d rather not go into details kasi it’s a private matter. I’d rather not make it public.

“Baka marami lang masaktan. Baka mas maraming tamaan. Sa amin na lang yun.

“Ang importante lang naman, ang may alam, kami."

JENNYLYN MERCADO. Nung nagsalita si Lian, sinabi nito na walang third party na involved sa kanilang paghihiwalay. (Basahin: Jennylyn Mercado, itinangging third party siya sa hiwalayang Paolo Contis-Lian Paz)

Pero lumabas ang pangalan ni Jennylyn Mercado na sandaling na-link noon kay Paolo.

Sa panayam ng PEP, pinabulaanan ng aktor ang pag-uugnay sa kanila ni Jennylyn.

Saad ni Paolo, “Sana tigilan na nila kasi nakakahiya rin kay Luis [Manzano] na lumalabas… nadadamay yung pangalan ng girlfriend niya.

“Nakakahiya lang that it has to be this big.

“Siyempre ayokong may tamaang tao, kasi ang liit lang ang mundo ng showbiz.

“Magkatrabaho kami, kahit magkaiba kami ng mga network, magkikita at magkikita kami eventually.

“So ayoko ng ganun, so wala yun."

Patuloy ni Paolo, “The problem between Lian and I was between Lian and I, it was our problem.

“So I hope people stop speculating about babae, about ganito. Para lang may masabi na masama, ‘Ay, ganyan si Paolo...’

“I read this one comment na baka ano… 'bading si Paolo.' Baka hindi natin masabi, i-check ko!" biro ng dating child actor.

CULTURAL DIFFERENCES. Nabanggit na posibleng dahilan ng paghihiwalay nina Paolo at Lian ay dahil sa cultural differences nila. Pinoy na Pinoy raw kasi si Lian, samantalang nandiyan pa rin daw ang pagka-Italyano ng aktor.

“I believe that was one of the biggest issues sa amin," pagkumpirma ni Paolo.

“Again, if I go into details, I would be very detailed na malalaman na ng mga tao kung paano kami nabubuhay.

“Hindi na kailangan kasi, in the long run, anak ko yung tatamaan.

“Itong interview niya, saka interview ko, mai-immortalize ng YouTube ‘yan, e, ng Internet.

“Ayokong balang-araw, mapanood ng anak ko ‘yan," saad ng Kapuso aktor.

May dalawang anak na babae sina Paolo at Lian; na ang mga edad ay dalawa at isa.

FINANCIAL PROBLEM. Ang isa pang lumutang na dahilan ng paghihiwalay nila ay pera.

Inamin ni Lian sa interview niya na hindi sa kanya ipinagkatiwala ni Paolo ang pagba-budget sa loob ng bahay. Pero “good provider" naman daw ang asawang aktor.

Sabi naman ni Paolo tungkol dito, “I could say yes. It was a problem before, but to go again into details, it’s inappropriate."

May isyu ring nalulong daw sa sugal si Paolo kaya naging problema nila ang pera. Nung panahong madalas daw sa sugalan si Manny Pacquiao ay lagi raw kasama si Paolo at maaaring naimpluwensiyahan ang aktor.

May nagsasabi pa ngang nalagpasan na raw ni Manny ang bisyong ito dahil nagbago na ang boksingero, pero si Paolo ay ganun pa rin daw.

Ano ang reaksiyon dito ni Paolo?

“Hindi ko alam kung paano na-involve yun!" natatawa niyang sabi.

“Una sa lahat, ni minsan hindi ako nagsusugal… minsan ko lang sinubukang magsugal.

"Yung 100 dollars ko sa Las Vegas, naubos in five seconds. Simula nun, hindi na ako nagsugal ulit.

“Hindi ibig sabihin na kasama ko si Manny, ganun ka rin dati.

“I’m always with Manny until now. Bakit hindi ako natsitsismis ngayon na lagi akong may hawak na Bible?

“Bakit yung sugal lang ako natsismis?"

FAMILY PROBLEM. Patuloy pa ni Paolo, “Wala na lang maisip yung mga tao na yun.

"These are people who are finding reasons na 'bakit kaya, siguro ganito...'

"Wala na kayo dun.

“Sa amin ni Lian yun. Wala sa inyo yun.

“Sorry sa mga nadamay. It’s a family problem.

“So I hope people stop putting people in na hindi naman part nung pamilya.

“Nakakahiya sa mga taong nai-involve na hindi naman dapat ma-involve.

“Dun sa mga hindi naman dapat involved, huwag na rin magpa-involve, kasi wala rin naman.

“It won’t help, you just make things worse."

Napag-alaman din ng PEP na nakakita na si Paolo ng ibang bahay na malilipatan. Maiiwan sa kanilang bahay si Lian at ang dalawa nilang anak.

Ayon sa aktor, maayos naman ang pag-uusap nila ni Lian pagdating sa dalawa nilang anak.

“Before I left, nayakap ko yung dalawang anak ko," malungkot niyang sabi.

Pagdating naman sa balitang inaayos na raw nila ang kanilang annulment, hindi ito sinagot ni Paolo.

“No comment about that," mabilis niyang iwas.

“The plans I have are really very private. Again, I don’t wanna surprise anyone, di ba?

“I think that’s inappropriate, that’s very unmanly of me to do.

“I just wanna see my kids.

"And then whatever yung mangyari sa amin ni Lian, I hope everything will be for the better," pagtatapos ni Paolo. -- Gorgy Rula, PEP



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus