GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Paglipat kay ‘Mali’ sa Thailand mula sa Manila Zoo, sinuportahan ng mambabatas

September 22, 2012 7:22pm

Isang resolusyon ang inihain sa Kamara de Representantes para paimbestigahan ang patakaran ng pamahalaan tungkol sa pangangalaga ng mga "animal in captivity" katulad ng elepanteng si “Mali" na atraksiyon sa Manila Zoo.

Ayon kay Nueva Viscaya Rep. Carlos Padilla, may-akda ng resolusyon, suportado niya ang panawagan ng People for the Ethical Treatment of Animal (PETA) na mailipat sa elephant sanctuary sa Thailand si Mali.

“Elephants are intelligent animals with complex social lives which, if denied everything that is natural and important, suffer socially and psychologically and often lead to abnormal, neurotic and even self-destructive behavior," paliwanag ng mambabatas kaya pabor siyang alisin sa Manila Zoo ang elepante.

Tinatayang 35 taon na umanong nag-iisa sa zoo ang babaeng elepante na si Mali.

Kamakailan lang ay ipinaalam ng PETA na personal na sumulat umano kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang batikang animal conservation expert na si Dra. Jane Goodall upang hilingin sa pamahalaan na mailipat ng kanlungan si Mali.

Sa sulat, binigyan-pansin ni Goodal ang kakulangan umano ng pangangalaga ng beterinaryo kay Mali. Bukod dito, nag-iisa at walang nakakahalubilong kapwa hayop ang elepante na may masamang epekto umano dito.

“I am heartened to learn that you agree that action must be taken for this ailing elephant," pahayag ni Goodall. "Elephants need the company and companionship of other elephants. Even if Mali were in a sound state physically, keeping her alone in a cramped, barren pen is still ethically indefensible."

Sa mga naunang ulat, inihayag ng PETA na handa nilang sagutin ang gastos sa gagawing paglilipat kay Mali sa isang saktuwaryo sa Thailand.

Sa naturang santuwaryo, magkakaroon umano ng sapat na atensyon ang elepante mula sa mga dalubhasa at may makakasalamuha na itong mga kapwa hayop.

Binigyan-pansin ni Padilla ang ginawang pagsusuri ni Dr. Henry Richardson, isang kilalang elephant veterinarian, na cracked nail at overgrown cuticles sa paa ni Mali ay maaaring magresulta sa impeksiyon at maging dahilan ng pagkamatay nito kapag hindi naingatan.

Dagdag pa niya, sa ibang bansa ay isinara na ang kanilang elephant exhibits sa zoo at inilipat na ang mga hayop sa mga tamang kanlungan ng mga ito.

“There is a need to assess the policies and programs that protect and promote the welfare of captive animals as well as the regulations, operation and maintenance of animal facilities," paliwanag ni Padilla sa gagawing imbestigasyon. - RP/FRJ, GMA News
Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus