GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy
»
Panatag Shoal

Palasyo: Misyon ni Mar Roxas sa China, matagumpay

September 23, 2012 3:06pm

Naging "constructive" at "cordial" ang pag-uusap nina Interior Secretary Mar Roxas II at Chinese Vice President Xi Jinping tungkol sa mga isyu na kinasasangkutan ng dalawang bansa, ayon sa isang pahayag ng Malacañang noong Sabado.

Ayon sa pahayag mula sa tanggapan ng Presidential Spokesperson, naganap ang pag-uusap nina Roxas at Xi sa 9th China-ASEAN Expo sa Nanning City noong Biyernes.

Lumipad patungong China si Roxas noong Huwebes matapos siyang atasan ni Pangulong Benigno Aquino III na maging special envoy sa China.

“The meeting focused on the current outstanding issues between the two countries and on other dimensions of their bilateral relationship. Both the Philippines and China expressed their desire to resolve outstanding issues while moving forward with their bilateral relations,” ayon sa pahayag.

Nagpahayag din umano ng "appreciation" si Xi sa desisyon ni Aquino na ipadala si Roxas bilang special envoy.

"This [Roxas's visit] showed  the importance that President Aquino attaches to Philippines-China relations,” ani Xi.

Nangako naman si Xi na dadalhin ang mensahe ni Aquino kay Chinese President Hu Jintao. Tutugunan din umano niya ang mga mahahalagang bagay na napag-usapan sa meeting, at ipinangako rin ni Roxas na sasabihin kay Pangulong Aquino ang mga bagay na ito.

Hindi na nabanggit sa pahayag ang iba pang detalye sa mga napag-usapan sa meeting nina Roxas at Xi.

"We had a frank and candid exchange of views and I am satisfied that I was able to faithfully convey President Aquino's message,” sabi ni Roxas ayon sa pahayag.

Nananatili pa rin ang gusot ng dalawang bansa kung sino ang nagmamay-ari ng Panatag (Scarborough) Shoal sa West Philippine Sea.

Nagsimula ang alitan noong Abril nang namataan ng mga awtoridad ng Pilipinas ang mga mangingisda ng China na nanguha rin ng iba pang mga yamang-dagat sa lugar.

Hinarangan ng mga barko ng China ang barko ng Pilipinas ng tangkain ng mga awtoridad na arestuhin ang mga dayuhang mangingisda.

Noong Nakaraang linggo, inatasan ni Aquino si Roxas na makipag-usap sa China tungkol sa alitan ng dalawang bansa.

“Ang instructions ko kay Secretary Roxas, simpleng-simple: siguraduhin na maparating ‘yung ating mga pananaw doon sa highest levels of the leadership of the People’s Republic para klarong walang [misinterpretation]... para klaro kung saan tayo nagmumula, anong agam-agam natin, anong inaasahan natin,” ani Aquino.

Nang tanungin tungkol sa pagpili niya kay Roxas bilang special envoy, inihayag ni Aquno na: “Well, ang number one na inaasahan ko siguro, China is a one-party state. Si Mar Roxas is president of the party where I belong.”

Pinili ni Aquino si Roxas para sa misyon sa China matapos maibunyag sa Senate session noong Setyembre 19 na umanoy palihim na hiniling ni Sen. Antonio Trillanes IV na palitan ni Roxas si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.

Inatasan ni Aquino si Trillanes na maging backchannel negotiator ng China.

Ayon sa senador, ipinadala siya para sa isang “confidential mission” ni Aquino upang magsagawa ng backchannel talks kasama ang China tungkol sa gusot sa Panatag Shoal.

Sa kabila nito, itinanggi ng Malacañang at inihayag na nagboluntaryo umano si Trillanes. Idinagdag pa ni Aquino na ang China ang pumili kay Trillanes.

Maliban kay Roxas, nakasama rin sina Presidential spokesperson Edwin Lacierda, Foreign Affairs Undersecretary Erlinda Basilio at Philippine Embassy Beijing Charge d'Affaires Alex Chua sa pagpupulong sa China. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News
Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus