GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy
»
Panatag Shoal

Trillanes, inaming hindi nakausap ang pinuno ng DFA tungkol sa backchannel na pag-uusap

September 23, 2012 5:16pm

Inamin ni Senator Antonio Trillanes IV nitong Linggo na hindi niya nakausap si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario tungkol sa isinagawa niyang backchannel talks kasama ang China—isang paraan upang mabawasan ang tensyon sa alitan ng dalawang bansa.

Sa isang panayam sa radyo, inihayag ni Trillanes na hindi umano responsibilidad na sabihan si Del Rosario sapagkat iisa lamang ang pangulo na kanilang pinagsisilbihan.

“Hindi ko responsibilidad 'yan. Ina-assume ko isa lang ang presidente na pinagsisilbihan natin," kanyang inihayag sa panayam ng dzBB radio nang tanungin siya kung nakipag-ugnayan ba siya kay Del Rosario.

Inatasan ni Pangulong Benigno Aquino III si Trillanes na magsagawa ng backchannel na negosasyon kasama ang China upang mabawasan ang tensyon sa Panatag (Scarborough) Shoal, na tinatawag ng China na Huangyan Island.

Iginiit naman ng Malacañang na nagboluntaryo si Trillanes na gawin ang trabaho.

Naging kontrobersyal ang isyu nang basahin ni Senate President Juan Ponce Enrile ang notes mula kay Ambassador to China Sonia Brady, kung saan nakasaad na tinawag umanong "traitor" ni Trillanes si Del Rosario.

Inihayag naman ni Aquino nitong Biyernes na kanyang personal na kakausapin si Trillanes tungkol sa isyu.

Samantala, ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, walang plano ang Palasyo na ipatawag si Brady at tanungin tungkol sa umano'y kontrobersyal na notes.

Ayon kay Valte, kasalakuyan pang nagpapagaling si Brady mula sa sakit niyang stroke. Nakabalik siya ng bansa noong Biyernes.

“It is imperative her full recovery is the priority at the moment,” ani Valte.

“We’d like to also appeal [to media] to allow Ambassador Brady to recover,” dagdag niya.

Samantala, ayon kay Valte, nakatakdang magbigay ng ulat si Interior Secretary Manuel Roxas II kay Aquino tungkol sa kanyang pag-uusap kasama ang vice president ng China noong weekend.

'Cordial'

Naging "constructive" at "cordial" ang pag-uusap nina Roxas at Chinese Vice President Xi Jinping tungkol sa mga isyu na kinasasangkutan ng dalawang bansa, ayon sa isang pahayag ng Malacañang noong Sabado.

Ayon sa pahayag mula sa tanggapan ng Presidential Spokesperson, naganap ang pag-uusap nina Roxas at Xi sa 9th China-ASEAN Expo sa Nanning City noong Biyernes.

Lumipad patungong China si Roxas noong Huwebes matapos siyang atasan ni Pangulong Benigno Aquino III na maging special envoy sa China.

“The meeting focused on the current outstanding issues between the two countries and on other dimensions of their bilateral relationship. Both the Philippines and China expressed their desire to resolve outstanding issues while moving forward with their bilateral relations,” ayon sa pahayag.

Nagpahayag din umano ng "appreciation" si Xi sa desisyon ni Aquino na ipadala si Roxas bilang special envoy.

"This [Roxas's visit] showed  the importance that President Aquino attaches to Philippines-China relations,” ani Xi. Amanda Fernandez/BM, GMA News
Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus