GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy
»
Eleksyon 2013

Bong Revilla: Walang alitan kay Lacson sa paghaharap ng kanilang mga anak sa vice-gubernatorial race sa Cavite

September 24, 2012 11:16am

Inaasahan ni Sen. Ramon Revilla Jr. na walang magaganap na alitan sa pagitan nila ng kanyang kapwa Caviteño na si Sen. Panfilo Lacson sa mga ulat na maaaring magharap ang kanilang mga anak sa vice gubernatorial race sa Cavite sa darating na eleksyon 2013.
 
Sa isang panayam nitong Linggo, inihayag ni Revilla na kapag matuloy ang pagtakbo ng kanilang mga anak, magiging "friendly and fair" ang laban.
 
“Hindi siguro dapat maapektuhan ‘yan,” inihayag niya sa dzBB radio nang tanungin kung maaapektuhan ba ang kanyang pagtatrabaho kasama si Lacson.
 
Ayon kay Revilla, tatakbo ang kanyang anak na si Jolo para sa vice governor na posisyon para sa 2013 eleksyon sa ilalim ng alyansang Magdalo-Lakas, kasama ni reelectionist Gov. Jonvic Remulla.
 
Ayon sa mga naunang ulat, tatakbo rin ang anak ni Lacson, Ronald Jay, para sa parehong posisyon.
 
“I think it's going to be a friendly competition if ever, at umasa sila na patas ang laban. Walang personalan ang labanan,” ayon sa nakatatandang Revilla.
 
“Ang importante rito, may pagpipilian ang mamamayan ng Cavite kaya napakapalad ng mamamayan ng Cavite,” dagdag niya.
 
Kabilang ang mas matandang Revilla sa partidong Lakas, kasama ni dating Pangulo at kasalakuyang Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi naman kabilang sa kahit anong partido si Lacson.
 
Ayon kay Revilla, magaganap ang panunumpa ng mga bagong miyembro ng alyansang Magdalo-Lakas sa kanyang kaarawan sa darating na Setyembre 25.
 
Dagdag niya, hindi umano magiging salik ang umano'y relasyon ni Jolo kay aktres Jodi Sta. Maria sa kanyang pagtakbo para sa posisyon.
 
Dating asawa si Sta. Maria ni Panfilo Jr., kapatid ni Ronald Jay.
 
“Sa aspeto na ‘yan ayokong makialam sa personal na buhay. Hindi tayo nagkulang sa pangaral kay Jolo,” ayon sa mas matandang Revilla.
 
Ayon sa kanya, habang 24 taong gulang pa lamang ang kanyang anak, marami na umano itong karanasan sa pagbibigay serbisyo sa publiko sapagkat naging barangay captain na ito at pangulo ng association ng mga barangay captain sa Bacoor. Amanda Fernandez/RSJ, GMA News