ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Damay sa ivory smuggling, ‘di raw kakanlungin ng CBCP


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Iginiit ng pinuno ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na hindi nila kakanlungin ang mga masasangkot sa iligal na gawain gaya ng pagpupuslit ng ivory. Ang pahayag ay ginawa ni Cebu Archbishop Jose Palma, presidente ng CBCP, kaugnay lumabas na balitang sangkot ang isang pari sa lalawigan sa ipinupuslit na ivory. Ang mataas na pangangailangan sa ivory na ginagawang imahe ng mga santo ang sinasabing isa sa mga dahilan kaya pinapatay ang mga elepante upang makuha ang tila sungay sa kanilang nguso. “Why will I defend somebody kung illegal ang kanyang ginagawa," pahayag ni Palma sa panayam ng Radio Veritas nitong Miyerkules. “May law na, so we must be law abiding. Simple lang naman, kasi legal naman before so if they acquired the artifacts many years ago their lucky, but now it should be stop," paliwanag niya. Umapela rin si Palma sa mga deboto na itigil na ang pagbili at pangongolekta ng mga religious item na gawa sa ivory. Pero hindi umano dapat sisihin ang mga may koleksiyon nito kung nakuha nila ivory item nang panahon na ‘di pa ipinagbabawal ang pagkuha ng ivory. Tiniyak ni Palma na kaisa ng pamahalaan ang Simbahang Katoliko sa pagbabawal na gamitin ang ivory sa paggawa ng religious images. Paglilinaw din ng arsobispo, hindi kinukonsenti ng Simbahan Katoliko ang sinasabing “culture of idolatry". Aniya, ang mga religious image ay ginagamit lamang na simbolo sa pagpapalakas ng pananampalataya at sa pagdaraos ng religious rites. Kinumpirma rin ni Palma na nakarating na sa Vatican ang ginagawang imbestigasyon tungkol sa isyung kinasangkutan ni Msgr. Cristobal Gracias. “In regard to the matter of Msgr. Garcia’s past, the case has been elevated to the Holy See and it has initiated the investigation into it long before the present controversy erupted. I have also fulfilled the Holy See’s instructions regarding submission of documents and acting upon related consequences," ayon kay Palma. - MP/FRJ, GMA News