Trillanes, manok pa rin ng NP sa 2013 elections
Inihayag ng mga lider ng Nacionalista Party (NP) na labas ang partido sa iringan ng kanilang miyembro na si Sen. Antonio Trillanes IV kontra naman kay Senate President Juan Ponce Enrile. Paliwanag ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, tagapagsalita ng NP, malaya ang mga miyembro ng partido sa pagtayo sa kanilang pinapanindigan. âMay sariling posisyon si Sen. Trillanes sa mga isyu, iginagalang iyon ng partido," paliwanag ni Barbers nang makausap sa telepono nitong Miyerkules. Nilinaw din niya na nananatiling pambato ng NP sa 2013 senatorial race si Trillanes kasama sina Sen. Alan Peter Cayetano, at dating Las Pinas Rep. Cynthia Villar. Ang mga pambato ng NP ay makakasama sa mga kandidato ng binubong koalisyon ng administrasyon na kinabibilangan ng Liberal Party (LP), Laban ng Demokratikong Pilipino at iba pang grupo. Samantala, sinabi ni Sen. Manny Villar, presidente ng NP, na hindi maaaring pakialam ng partido ang paninindigan ang kanilang mga kasapi. "Kami naman sa partido bagaman kasama namin siya ay hindi nakikialam doon. And we respect that in the same manner na iginagalang ko ang pananaw ni Pangulong Enrile. Walang epekto sa coalition," ayon kay Villar nang makausap sa proklamasyon ng mga kandidato ng kanilang koalisyon sa Kawit, Cavite. Una rito, inakusahan ni Trillanes na binabraso ni Enrile ang pag-apruba sa panukalang batas na hatiin ang Camarines Sur na pinaniniwalaang pakikinabangan ng ilang pulitiko, kabilang ang pamilya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kasalukuyang kongresista sa isang distrito sa CamSur ang anak ni Arroyo na si Rep. Diosdado "Dato" Arroyo. Pero itinanggi ni Enrile ang bintang at ibinisto ang pagiging back-door negotiator ni Trillanes sa China kaugnay sa pinag-aagawang mga isla sa West Philippine Sea. Ibinunyag din ni Enrile na kumikilos si Trillanes para maalis siya bilang lider ng Senado. Inamin naman ni Trillanes na nais niyang mapatalsik si Enrile na maaari umanong palitan nina Villar o Sen. Franklin Drilon. - RE/FRJ, GMA News