NDRRMC: 3 patay sa diarrhea, mahigit 100 naospital sa Misamis Oriental
Tatlo na ang naitalang namatay, habang mahigit 100 naman ang dinala sa iba't ibang mga ospital dahil sa diarrhea na tumama mga residente ng 10 mga barangay sa bayan ng Villanueva, Misamis Oriental. Sa update ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), karamihan sa mga dinala sa ospital ay mga bata na 10 taong gulang pababa. Nagsimula umano ang diarrhea outbreak sa lugar noong ika-17 ng Setyembre. Dinala ang mga apektadong residente sa Tagoloan Polymedic Hospital, Puerto General Hospital, Sabal Hospital, at sa Northern Mindanao Regional Hospital sa Cagayan de Oro City. Iniimbestigahan na umano ng Department of Health kung ano ang sanhi ng diarrhea. Nagpadala na rin ang DOH ng "water samples" sa Research Institute for Tropical Medicine sa Maynila para suriin ang tubig na iniinom ng apektadong mga residente. — LBG, GMA News