GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Pagharurot, overtaking at maling pagliko, mga dahilan ng aksidente sa kalsada

September 28, 2012 12:06am

Tags: Bataan
9 dead in Nueva Ecija road smash-up
9 dead in Nueva Ecija road smash-up. A member of the Bureau of Fire Protection douses water on the engine of the ill-fated tanker truck that collided head-on with a Victory Liner bus along the Maharlika Highway in Muñoz City, Nueva Ecija on Wednesday. Nine people died in the accident. Junjun Sy
Hindi ang masamang kondisyon ng mga kalsada ang pangunahing dahilan ng mga aksidente sa kalye na kadalasang nagreresulta sa pagbubuwis ng buhay at pinsala sa katawan.

Sa talaang nakuha sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), lumitaw na mula Enero ngayong taon, umabot na sa 6,492 ang road accidents na kanilang nailista.

Pangunahing dahilan ng aksidente ay ang sobrang bilis ng pagpapatakbo ng sasakyan (1,353 insidente), na sinundan ng maling overtaking (1,085) at maling pagliko (1,079).

Samantala, umabot lamang sa 480 aksidente ang naitala na sinasabing sanhi ng masamang kondisyon ng kalsada, ayon sa PNP-HPG.

Mula Enero hanggang Agosto, umabot na sa 775 katao ang nasawi dahil sa mga aksidente na kadalasang nagaganap sa gabi.



Nitong Miyerkules, siyam katao ang nasawi at siyam pa ang nasugatan nang mabangga ng isang pampasaherong bus ang isang motorsiklo bago salpukin (ng bus) ang kasalubong na tanker truck sa Muñoz, Nueva Ecija.

Ayon kay Engineer Renato Reyes ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Project Evaluation Division, kadalasang pagkakamali ng drayber ang sanhi ng mga sakuna sa kalye.

“Wala naman sa highway ang problema. Yung mga ganitong aksidente na nagkakasalpukan talaga, usually driver behavior lagi ang dahilan. Mabilis talaga magpatakbo lalo na kung gabi, especially yung bus drivers natin na gustong makarami ng biyahe," pahayag ni Reyes sa panayam nitong Huwebes.

Dagdag pa niya, posibleng mabilis ang takbo ng pampasaherong bus na naaksidente sa Maharlika Highway sa Muñoz, Nueva Ecija.

“Yung daan na iyon, it is a straight road. May shoulder sa magkabilang gilid at wala namang problema sa geometric design. Wala namang curves o kakaibang slope. Mukhang yung driver talaga ang nagkaproblema," ayon sa opisyal.

Nais naman ni Johnny Angeles, vice-chairperson ng Automobile Association of the Philippines, na bisitahin ng mga mambabatas ang Republic Act 4136, o ang batas tungkol sa road safety ng bansa.

“We have lobbied for the past 25 years for some revision, because outmodelled na ito. Nagbago na ang panahon. Wala pa namang cellphones noong araw. Marami na ring requirements ang mga kotse," pahayag ni Angeles. - FRJ, GMA News
Go to comments

Tags: Bataan



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus