ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

‘Busong,' wagi sa All Roads Film Festival ng National Geographic


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagwagi ang award-winning film na “Busong" na pinagbibidahan ng Kapuso star na si Alessandra de Rossi sa ginaganap na National Geographic All Roads Film Festival sa Washington D.C., USA. Sa kanyang Twitter account, inihayag ni Alessandra ang pagkakapanalo ng “Busong" na iginiya ng premyadong direktor na si Auraeus Solito. “Busong won the grand prize at the National Geographic All Roads Film Festival in Washington! YEEEEEEY!!! mabuhay!," masayang pagbalita ni Alessandra. Sa website ng NatGeo All Roads Film Festival, umani ng papuri ang pelikula, hindi lang sa ganda ng pagkakagawa nito kundi maging ang lugar na pinagdausan ng shooting – ang Palawan. “From the opening moments of the film, the viewer is immediately immersed in the beautiful landscape of the island, creating a gorgeous cinematography of the environment and adding to the portrayal of life on Palawan," nakasaad sa website. Sa website ng Busong, ipinaliwanag na kwento ito ng isang babae na si Punay (na ginampanan ni Alessandra), na ihahanap ng manggagamot para mapagaling ang kanyang mga sugat sa paa. Sa nakaraang panayam ng Philippine Daily Inquirer, sinabi ni Solito na batay sa kwento ng kanyang ina, ang salitang “busong" ay paniniwala ng mga katutubong Palawanon tungkol sa kapalaran o karma. Isa sa mga pelikulang ginawa ni Solito na humakot ng maraming parangal sa loob at labas ng Pilipinas ay ang "Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros." Samantala, ipinaliwanag naman sa website ng All Roads Film Project kung ano ang layunin ng kanilang festival: “The All Roads Film Project is a National Geographic program dedicated to providing a platform for indigenous and underrepresented minority-culture storytellers around the world to showcase their works to promote knowledge, dialogue, and understanding with a broader, global audience." - FRJ, GMA News