ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy, bumilib sa bagong gawang Quezon-Araneta underpass


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinasinayaan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III nitong Biyernes ang pagbubukas ng Quezon-Araneta underpass sa Quezon City na hindi raw matutulad sa ibang underpass na nagmimistulang malaking “swimming pool" kapag malakas ang ulan. Sa panayam ng media, sinabi ni Aquino na lubha siyang napabilib sa pagkakagawa ng naturang underpass, na bukod sa mabilis na natapos ay malaki ang natipid ng gobyerno. “Bakit naman kayo hindi mai-impress, ‘di ba? P694 million ang budgeted, naging P430 million, tapos ahead of schedule pa," paliwanag ng Aquino. “Ahead of schedule po. December 10 [2012] dapat (matapos), hundred days in advance, ano?" Dahil sa bagong underpass na may habang 440-meter, tinatayang mababawasan ng may 30 minuto ang paglalakbay ng mga motorista na dumadaan sa Quezon Avenue. Kasama sina Speaker Feliciano Belmonte at Public Works Secretary Rogelio Singson, sumakay si Aquino sa isang pick-up truck para lakbayin ang kahabaan ng bagong gawang underpass. Ayon kay Aquino, maaaring ipagkaloob sa lokal na pamahalaan ng Quezon City ang natipid na pondo para magamit sa iba pang proyekto sa lungsod. ‘Di lulubog sa baha Tiniyak naman ni chairman Francis Tolentino ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi malulubog sa baha ang bagong underpass dahil sa disensyo at mga inilagay na gamit dito. Sa panayam ng dzBB radio, sinabi ng opisyal na may tatlong malalakas na water pump ang underpass na ang bawat isa ay kayang humigop ng 227 liters ng tubig per second o mahigit 600 liters per second para sa tatlong pump. Bukod dito, mayroon din umanong catch basin o saluhan ng tubig ang mismong underpass. Naghati-hati rin umano ng obligasyon ang DPHW at lokal na pamahalaan sa pagmamantine ng underpass upang mapanatili ang kalinisan nito at hindi mabarahan ng mga basura. "Ang pumping at ilaw sa LGU (local government unit) ‘yan, ang pag-maintain ng kalinisan kami ‘yan. Pero ang structure mismo, DPWH pa rin," paliwaniya niya. - FRJ, GMA News