ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Fan conference ni Zac Efron, dinagsa at tinilian ng mga taga-hanga


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Mula sa kanilang pagpasok sa arena, sa countdown, at hanggang pag-akyat ni Zac Efron sa entablado, walang tigil sa paghiyaw ang mga taga-hanga ng aktor, isa sa mga All star endorsers ng local clothing brand na Penshoppe sa kanyang sa Fan Conferene na ginanap sa Mall Of Asia Arena noong Sabado. "Thank you! It's so good to be here [in the Philippines]," wika nito sa kanyang pagdating sa entablado. Samantala, sa simula pa lamang ng event ay nagpaunlak ng raffle ang Penshoppe kung saan nagkaroon ang isang daang taga-hanga ng pagkakataon na magkaroon ng litrato kay Zac sa entablado. Maliban dito, nagtanghal din ang grupong La Divas, ang bandang Never The Strangers, at ang RnB singer na si Jay R sa nasabing conference. Ipinakita rin ng UP Pep Squad ang kanilang galing sa kanilang High School Musical inspired cheer dance number kung saan tampok ang ilang awitin at choreography mula sa palabas na tila nagpaalala sa mga tao sa naging pagganap ni Zac bilang Troy Bolton sa palabas. Zac Efron fans "You put a smile on my face whenever I see you (fans)," pahayag ni Zac para sa kanyang mga fans na nagpunta sa MOA Arena para makita siya. Dagdag pa niya, ang kagandahan ng kasikatan bilang artista ay ang pagkakaroon ng fans na talagang nagmamahal sa kanya. Nagkaroon din ng pagkakataon ang kanyang fans na awitin ang "Start of Something," isa sa mga pinasikat nitong kanta sa palabas na High School Musical kasama ang kanyang dating nobya na si Vanessa Hudgens. "I'm stoked. I love it. That was amazing! Thank you guys," ani Zac pagkatapos magkantahan ng mga taga-hanga. Gayunpaman, nang tanungin ni Boy Abunda, ang host ng nasabing show si Zac tungkol sa kanyang ideal na babae na kanyang papakasalan, sinabi niyang: "I don't know. I think my wife is in here somewhere. I think I saw a sign there saying Marry me," biro ng 24-anyos na aktor. Penshoppe endorser "I love the Penshoppe clothes. I love the people who wear the Penshoppe clothes," pahayag ni Zac tungkol sa kanyang Penshoppe endorsement. Masaya raw siya sa kanyang endorsement dahil tugma raw ang kanyang personal style sa ini-endorsong clothing brand. Laid back, mala-James Dean, at retro ang paglalarawan ni Zac sa kanyang personal na style. Ang Penshoppe ang kauna-unahang clothing brand na iniendorso ni Zac. Maliban pa rito, siya ang kasalukuyang highest paid endoser sa bansa. Bukod dito, kabilang din sa All stars endorsers ang Gossip Girl stars na sina Ed Westwick at Leighton Meester, ang The Vampire Diaries star na si Ian Somerhalder, at ang Thai superstar na si Mario Maurer. — LBG, GMA News
Tags: zacefron