ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dating park supervisor sa Q.C., tinutugis dahil sa pagkawala ng mga elephant tusk


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa dating park supervisor ng Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center sa Quezon City dahil sa pagkawala ng mahigit 1,500 pounds ng smuggled elephant tusks noong 2010. Ang naturang mga elephant tusk na nakumpiska noon ng Bureau of Customs ay ibinigay sa pangangalaga ng nabanggit na parke habang nakatalagang park supervisor noon si Medardo Medel Eduarte. Nagpalabas ang Quezon City Regional Trial Court ng arrest warrant laban kay Eduarte noong 2011 dahil sa kasong qualified theft bunga ng pagkawala ng mga elephant tusk. Naunang na-impound sa NAIA noong Hulyo 2009 ang mga elephant tusk at saka dinala sa pangangalaga ng Protected Areas and Wildfire Bureau. Mula nang mawala ang mga elephant tusk, sinabing hindi na pumasok sa trabaho si Eduarte noong Marso 2010. Naniniwala si Sixto Comia, pinuno ng National Bureau of Investigation-Environmental and Wildlife Investigation Division, na sangkot si Eduarte sa insidente. “Yung security kasi yung me hawak ng susi (sa storage room). Saka later on nang imbestigahan natin, nakabili siya ng dalawang kotse at allegedly isang bahay sa Quezon City, e security guard lang ito," inihayag ni Comia. Naniniwala rin siya na mayroong sindikatong nasa likod ng pagkawala ng mga tusk ng elepante. “Sindikato ito. May nag-udyok dito, malaki to. Isipin mo elephant tusks 1,500 pieces kung sabihin mong buong elephant tusks to 1,500 pieces e kung dalawa ang tusk ng isang elepante e di 700 elephants to," aniya. Dahil dito, nananawagan ng tulong si Comia sa mga mayroong impormasyon tungkol kay Eduarte. Muling napag-usapan ang isyu ng smuggling ng elephant tasks sa isang ulat ng National Geographic tungkol sa ivory trade. Nasangkot sa isyu si Monsignor Cristobal Garcia ng Cebu na isa umano sa mga kilalang ivory collector sa Pilipinas. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News