Army: Matataas na kalibre ng baril nakumpiska sa South Cotabato
Iba't ibang klase ng matataas na kalibre ng mga baril ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa isang residential compound sa South Cotabato, ayon sa pahayag ng Philippine Army. Sa pahayag ng PA na ipinalabas noong Martes ni Captain Eliezer Bejarin, Civil Military Officer ng 10th Infantry Division, nakumpiska ang mga armas ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group Region-XII (CIDG-XII) at ng Joint Task Force (JTF) General Santos City noong Sabado. Sa isinagawang raid sa isang compound sa Purok Manatad, Barangay Poblacion, Polomolok natukalasan ang mga armas. Itinuro umano ang isang Farncis Balanay Nadar na may-ari ng mga matataas na kalibre ng mga baril, ayon sa pahayag ng PA. Ang suspek umano ay kilalang sangkot sa ilegal na gun-running activities sa probinsya. Ang mga nakumpiskang mga baril at mga bala at kagamitan ay: 1 Colt 5.56mm (M16) rifle; 1 Springfield machine pistol; 1 caliber 22 magnum revolver (black widow); 3 long mga magazine assembly para sa 5.56mm (M16) rifle; 4 short magazine assembly para sa 5.56mm (M16) rifle; 2 kambal na circular magazine (plastic) para sa 5.56mm (M16) rifle; 2 short magazine assembly para sa cal. 9mm; 3 long magazine assembly para sa cal 9mm; 1 aluminum silencer para sa 9mm machine pistol; 120 rounds ng bala para sa 5.56mm (M16 rifle); at 75 rounds ng bala para sa cal. 9mm pistol. Nakumpiska rin mula sa compound ang mga mamahalin at mga magagarang sasakyan na kinabibilangan ng two-door Mercedes Benz Sports Car, latest model ng Mitsubishi Pajero, Mitsubishi Lancer at Toyota Fortuner. Dagdag pa ng pahayag, ang raid ay bunga ng pinagsanib na "intelligence work" ng JTF GenSan at ng CIDG R-XII para ma-aresto ang mga nag-nenegosyo ng mga ilegal na mga armas. Ang raid ay inilunsad batay sa search warrant na inilabas ni Judge Oscar Noel ng Regional Trial Court Branch 35 ng Davao City. — LBG, GMA News