GMA News Online
Ulat Filipino
»
Iloilo

2 nalunod: Field trip sa Boracay, nauwi sa trahedya

October 3, 2012 7:14pm

Nauwi sa trahedya ang umano’y educational field trip sa sikat na Boracay Island matapos malunod ang isang estudyante at isang lokal na turista na tinangkang sagipin ang mag-aaral.

Sa ulat ng dzBB radio, sinabing nasa edad na 20 at mag-aaral na kumukuha ng kursong hotel and restaurant management (HRM) ang nasawing biktima.

Sa inisyal na impormasyon mula kay Chief Superintendent Agrimero Cruz Jr, pinuno ng Western Visayas police, kasama umano sa field trip ang biktima at naninirahan sa Pasig City.

Lumalangoy umano ang biktima kasama ang kanyang mga kapwa mag-aaral nang bigla silang tamaan ng malalakas na alon na naging dahilan ng pagkalunod ng biktima.



Isang lokal na turista na kinilala pa lamang sa pangalang Pedrosa ang nakakita sa insidente at tinangka nitong sagipin ang biktima. Subalit sa kasawiang-palad ay nalunod din ito.

Sa hiwalay na ulat ng Balita Pilipinas Ngayon, sinabing dalawang turistang Taiwanese ang nasawi matapos tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa Kalibo, Aklan.

Sa inisyal na imbestigasyon, mag-i-island hopping sana ang 30 Taiwanese nationals nang pataubin ng malalakas na alon ang kanilang bangka. - MFernandez, FRJ, GMA News