Zac Efron, ikinuwento kay Ellen DeGeneres ang kanyang Mayon volcano adventure
Ibinida ng Hollywood A-lister na si Zac Efron ang kanyang naging bakasyon sa Pilipinas sa kanyang guest appearance sa sikat na US talkshow ni Ellen DeGeneres. Sinabi ni Zack kay Ellen na: "I always wanted to go to the Philippines, so I just went out there for a quick trip and it was unreal. I didn't know what to expect and I've heard a lot about it. It seems like a pretty cool place." Ibinida ni Zac ang kanyang karanasan mula sa kanyang pagdating sa bansa hanggang sa biglaang pagpasakay niya sa isang helicopter patungo sa itaas ng bulkang Mayon. Surpresa lang umano ang naturang adventure kung saan dinala siya sa gilid ng active volcano at pinasakay ng isang ATV (all-terrain vehicle) papunta sa bunganga ng bulkan at doon nananghalian. Masaya ring ikinuwento ni Zac ang pagkakakita niya sa dalawang dalaga sa itaas ng bulkan na nagpakuha sa kanya ng larawan. Ipinakita pa sa naturang show ang litrato nila ng kanyang fan na hindi umano niya inaasahang makikita sa naturang lugar. "It was these two super cute little girls that showed up. I couldn't believe it. I haven't seen a face in like 30 miles and we're on these ATVs and out of nowhere they just come up and jumping. It was great," masayang kwento ni Zac Nagtungo sa Pilipinas si Zac para sa kanyang Penshoppe Fan Conference na ginanap sa Mall Of Asia Arena noong Setyembre 29. Kasamang dumating ni Zac sa bansa ang kanyang ama na si David Efron, manager na si Jason Barrett, at ang Hollywood photographer na si Darren Tieste. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News Published on Oct 3, 2012 by TheEllenShow