Angara: Kasong katiwalian laban kay Padaca posibleng maungkat sa CA
Posible umanong maungkat sa Commission on Appointments ang kasong katiwalian laban kay newly-appointed Comelec Commissioner at dating Isabela Governor Grace Padaca. Sa ulat ni Nimfa Ravelo sa dzBB, sinabi rin Senador Edgardo Angara, isang miyembro ng CA, na walang duda na may sapat na credentials si Padaca para makaupo sa Comelec. Ganun pa man, aniya, gaya ng ibang sumalang sa CA, uungkatin pa rin ang lahat ng isyu tungkol kay Padaca. Ayon sa senador, may ilang pagkakataon na rin umanong hindi nakalusot sa CA ang isang appointee na may standing na kaso ng katiwalian. Noong Huwebes, naglagak si Padaca ng P70,000 piyansa sa Sandiganbayan para sa mga kasong graft at malversation laban sa kanya. Sa kanyang pagpiyansa, sinamahan si Padaca ni Department of Interior and Local Government Secretary Manuel Roxas II. Matatandaang si Padaca ay itinalaga ni President Benigno Aquino III bilang Comelec commissioner. Naisumite na sa CA ang nominasyon ni Padaca, pero naka-recess ang Kongreso ng siya'y na-appoint. — LBG, GMA News