ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Suspek sa pagpatay sa anak ng mayor ng Sara, Iloilo, tinutugis


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang bumaril at pumatay sa anak ng alkalde ng Sara, Iloilo, na pinaniniwalaan ng ilang saksi na nadamay lang sa iringan ng dalawang grupo. Sa ulat ni Nenita Hobilla sa GMA News TV’s Balita Pilipinas Ngayon, inihayag ng ilang saksi na posibleng hindi ang biktimang si Neptaley Salcedo ang talagang pakay ng salarin. Ang biktima ay anak ni Mayor Neptali Salcedo. Kuwento ng mga saksi, umiinom ang grupo ng nakababatang Salcedo sa isang video bar nang biglang mag-ingay ang isang grupo ng mga lalaki sa kabilang lamesa. Isa sa mga kasama ni Neptaley ang nagtungo sa lamesa ng mga nag-iingay na lalaki para pagsabihan. Kasunod nito ay lumabas na umano ang mga lalaki pero isa sa kanila ang nagbalik at may dalang baril. Ayon sa saksi, pinukpok at binaril si Neptaley habang nakatalikod ng suspek na kinilalang si Roxin Bascoguin. Maaari umanong ang kasama ni Neptaley ang binalikan ng suspek pero ang anak ng alkalde ang napuntirya. Isa sa mga kasama ng suspek na si Sammy Andaya ang nadakip ng mga pulis pero itinanggi niyang may kinalaman siya sa krimen. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya pero hindi pa nila matukoy kung konektado sa pulitika ang pagkakapatay sa anak ng alkalde. -- FRJ, GMA News