PNP: Central Visayas, may mahigit 30k loose firearms
Aabot umano sa mahigit 30,000 ang bilang ng "loose firearms" sa Region 7 o Central Visayas, ayon sa Philippine National Police. Ito'y batay sa impormasyong inilabas ng PNPP-Regional Office 7, ayon sa ulat ni Jasmine Vailoces ng RGMA-Cebu sa dzBB nitong Sabado. Lalo umanong pinaigting ng PRO-7 ang kampanya laban sa loose firearms, bilang paghahanda na rin para sa eleksyon sa 2013. Samantala, isang lalaki naman ang nahuli ng mga awtoridad noong Lunes dahil sa pagkakaroon ng 'di lisensiyadong mga armas. Pinasok ng mga pulis ang bahay ni Romy Aramas sa bayan ng Minglanilla, Cebu. Matagal na umanong minamanmanan ng mga pulis si Aramas tungkol sa mga hawak nitong mga armas. Nakuha sa bahay ng suspek ang dalawang kalibre .45, isang 9mm pistol, isang homemade assault rifle, at ilang mga drug paraphernalia. Sasampahan ang suspek ng kasong illegal possesion of firearms and ammunition. Hindi umano nagpaunlak ng panayam ang suspek, ayon sa report. — LBG, GMA News