GMA News Online
Public Affairs
»
Powerhouse

Powerhouse

Buddy’s Restaurant at Vjandep Pastel sa 'Powerhouse'

October 8, 2012 1:18pm
POWERHOUSE: Buddy’s Restaurant at Vjandep Pastel  
Date of Airing: October 9, 2012
 
Kahanga-hangang kwento ng sipag at tiyaga ang  mapapanood sa Powerhouse ngayong  Martes kasama ang mga tao sa likod ng matagumpay na Buddy’s Restaurant ng Lucban at ang pride of Cagayan de Oro, ang Vjandep Pastel.
 
Naging salesman si Salvador “Buddy” Veluz pero sa pagluluto ng fresh lumpia at pancit Lucban niya nakamit ang tagumpay na naging mailap sa kaniya. Itinayo niya ang kaniyang unang restaurant sa unang palapag ng kanilang bahay.  Pero dahil sa sarap ng kaniyang mga putahe, tinangkilik ng marami ang Buddy’s Restaurant at ngayon, meron na itong 10 branches sa buong Luzon!
 
Sa Lucban, Quezon, makikita ang 5-storey building na tahanan ng pamilya Veluz.  Halos lahat ng dingding ay gawa sa kulilisyaw, isang uri ng hardwood na sa Quezon Province lang makikita. Ipasisilip ni Buddy ang 3rd floor na nagsisilbing guest area ng pamilya. Prominente dito ang disenyong sunflowers na paboritong bulaklak ng asawa ni Buddy na si Nova.  Mula dingding hanggang silya, aba, puno ng sunflowers!  Mahilig bumiyahe ang pamilya kaya makikita rin ang iba’t ibang miniature landmarks ng mga  bansang napuntahan nila. Sa fifth floor naman, mayroong bar at fitness gym. Narito rin ang entertainment area ng pamilya. Ang lahat nang ito raw ay naipundar ni Buddy mula sa isang simple pero pumatok na konsepto ng kanilang pamilya!
 
Samantala, lilipad patungong Cagayan de Oro City ang Powerhouse para bisitahin ang tahanan ng Pamilya Jose na nasa likod ng sikat na Vjandep Pastel.  Nagsimula ang paggawa ni Elly Jose ng pastel bilang isang libangan. Pero dahil talaga namang masarap, tinangkilik ito ng mga tao at naging paboritong pasalubong ng mga bumibisita sa CDO. Ngayon, isa na ito sa mga pinakamalaking negosyo sa Mindanao.
 
Sa 3-storey home na ipinatayo ng mga Jose noong 2008, simple lamang ang interiors.  Dahil parehong music lovers, sa music room daw madalas tumambay si Elly kasama ang kaniyang mister. At mula rito, tanaw sa bintana ang 3-storey commissary ng Vjandep.  Ilang beses na ring nalugi sa negosyo ang mga Jose kaya hanggang ngayon, hindi pa rin sila makapaniwala sa tagumpay na kanilang nararanasan. Pero higit sa kanilang tinatamasang kaginhawaan, ang kakaibang pagmamalasakit nila sa ibang tao ang tunay na kahanga-hanga sa pamilyang ito. 
 
Ang Pride of Lucban at ang Pride of CDO- dalawang ipinagmamalaking negosyo na talaga namang Pinoy na Pinoy- kikilalanin ni Mel Tiangco sa Powerhouse ngayong Martes, 8PM sa GMA News TV.



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus