Rhian Ramos, nanatiling Kapuso; Lorna Tolentino, balik-Kapuso naman
Magkasunod na pumirma ng kontrata sa GMA-7 ang Kapuso actress na si Rhian Ramos at ang nagbabalik Kapuso na multi-awarded actress na si Lorna Tolentino. Sa pangunguna nina GMA Chairman at CEO Atty. Felipe L. Gozon, President and COO Gilberto Duavit Jr., at OIC for GMA Entertainment TV na si Lilybeth Rasonable, pinagtibay nila ng kontrata ng dalawang Kapuso stars na ginanap sa GMA Network nitong Oktubre 8, Lunes. Ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng 24 Oras noong Lunes, kasama ni Rhian ang kanyang tiyahin at dating head ng GMA Artist Center na si Ida Henares at ang manager nitong si Ron Henares sa naturang contract signing. Ayon kay Rhian, "I'm happy to still be here because I feel like dito ako nararapat kasi dito ako nanggaling." Pagkatapos ng kanyang contract signing, pinagkalooban naman siya ng pagbati at cake ng mga GMA boss para sa kanyang ika-22 na kaarawan. Samantala, inihayag rin ni Lorna ang kanyang kagalakan sa kanyang pagbabalik sa bakuran ng GMA-7. "I'm back. I'm happy to be back. Siyempre as always naman, ano tayo, kung saan âyong makakapagbigay sa atin ng the best offer and the best show for me as an actress siyempre doon [ako]. Wala akong pipiliin pero happy ako kasi this is my home na rin," anang batikang aktres. Kasama ng sikat na aktres ang kanyang manager at TV host na si Lolit Solis sa nasabing contract signing. Masaya rin si Atty. Gozon sa pagbabalik ng Glam Slam Actress sa GMA Network. "Si Lorna ay welcome na welcome dito sa GMA-7 sapagkat siya ay isa sa pinakamagaling na artistang kilala natin at noong maghiwalay naman tayo noong nakaraan ay maganda naman ang aming usapan kaya walang dahilan para hindi magbalik sa atin si Lorna," pahayag ng isa sa mga pinuno ng Kapuso Network. Ayon naman kay Gilberto Duavit, "We're very excited. We're very happy. Meron nang nakahanay na programa para sa kanya [Lorna] and by the looks of what we've heard of the program, it's something that we're all so very excited about." Pagbibidahan ni Lorna ang inihahandang heavy drama soap opera sa Kapuso Network. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News